TMW

Moreno: Paglipat sa 2 operatiba ng CAIDTF sa NAIA di personal

July 5, 2021 People's Tonight 1722 views

HINDI lingid sa kaalamanan ng lahat ang ginagawang pagbabago at paglilinis sa Bureau of Customs (BOC) ng kasalukuyang commissioner laban sa mga tiwaling tauhan at kawani ng ahensiya dahil na rin sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Marami na ang pagbabagong nangyari sa ahensiya at isa si DHL Customs Assessment Unit-NAIA Chief Ronald Moreno na katuwang nina BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero at NAIA District Collector Carmelita “Mimel” Talusan sa pagsasaayos nito.

Sa isang panayam, sinabi ni Moreno na hindi nasusukat sa dami ng naisakatuparang layunin ang pagiging pinuno kundi ito ay masusukat sa kanyang kakayahan bilang isang mabuti at tapat na lider sa kanyang mga tao at kasamahan sa trabaho.

Aniya, sa pagsasakatuparan ng layunin ng isang samahan, kailangan ang isang lider na nagpapakita ng kahusayan sa liderato, pangangasiwa ng proyekto, saklaw niyang trabaho, at direksiyon na nanggagaling sa nangungunang pamamahala o top management.

Idinagdag ni Moreno na ang pamumuno ay nagiging epektibo kung ang mga tauhan ay kaagapay niya sa pagsasakatuparan ng magandang adhikain at layunin ng ahensiya.

Si Moreno ay may tatlong dekada nang naninilbihan sa BOC at kasalukuyang hepe ng DHL Customs Assessment Unit sa NAIA. Siya ay hinahangaan ng mga kasama at tauhan sa BOC dahil sa pagiging epektibo at mga natanggap niyang award at parangal hindi lang sa tuloy-tuloy na pag-abot ng assigned collection target ng kanyang tanggapan kundi sa pagpapabuti ng sistema ng kalakalan sa simpleng paraan na hindi isinasakripisyo ang kaligtasan ng mamamayan laban sa mga ilegal na importasyon.

Kamakailan ay may inilipat na dalawang operatiba ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF) dahil na rin sa sumbong at petisyon ng mga kawani ng kanyang tanggapan.

Ayon kay Moreno, inilipat ang dalawang operatiba ng CAIDTF dahil umano sa pang-aabuso nila sa kanilang tungkulin at reklamo na rin ng ibang tauhan ng BOC habang sila ay nakatalaga sa DHL Customs Assessment Composite Unit sa NAIA.

“Ang sigalot o galit ng dalawang operatiba ng CAIDTF sa pagkakatanggal sa kanila ay isang aksiyon na sa tingin ko ay naaayon sa pamantayan ng nakatataas at walang bahid ng malisya o personal na galit,” pahayag ni Moreno.

Idinagdag ni Moreno na kaisa siya ng Commissioner ng BOC at District Collector sa paglilinis sa kanilang hanay laban sa mga tiwaling kawani upag maibalik ang tiwala ng publiko sa ahensiya tungo sa pagkakaroon ng makabagong Aduana at matatag na ekonomiya.

Sa kasalukuyan, si Moreno kasama ng iba pang opisyal at kawani ng ahensiya ay katuwang ni NAIA District Collector Talusan upang mapabilis ang proseso sa mga inaangkat na personal protective equipment (PPE) at bakuna laban sa COVID-19 sa NAIA, pagpapatunay sa slogan nito na: “Serving with Honor” at “Protecting the Border.”

Nauna rito naisulat ng People’s Tonight columnist na si Vic Reyes na malabo na ang   pangarap ng mga naghahangad sa puwesto ni Bureau of Customs Chief (BOC) Rey Leonardo Guerrero.
Maliban kasi sa malapit na ang pagtatapos ng  Administrasyong Duterte, maganda ang performance ni Guerrero sa aduana.

Noon ngang nakaraang buwan ay umabot ng P52.447 bilyon ang koleksyon nito.
Ito’y lampas ng P5.272 bilyon kumpara sa target nitong koleksyön na P47.175 bilyon para ra Hunyo 2021.

Mula Enero hanggang Hunyo 2021 ay umabot na ng P302.7 bilyon ang koleksyon ng BoC.
Ito’y lampas ng P10.9 bilyon sa target collection na P291.8 bilyon para sa unang anim na buwan ng 2021.

Pinasalamatan ni Commissioner Guerrero ang kanyang mga tauhan dahil sa kanilang katapatan sa serbisyo.

Ito’y sa kabila ng nararanasang COVID-19 pandemic.

Hindi alintana ang nakamamatay na virus, bagkus nagtatrabaho ang mga taga-BoC  na parang walang pandemya.

Ang maganda naman ay sinisiguro naman ng pamunuan ng BoC na sila’y ligtas sa virus.
Kung magtutuloy-tuloy ang magandang performance ng BoC ay malalampasan nito ang 2021 collection target.

Sa taong ito ay naatasan ang BoC na mangolekta ng buwis na P602 bilyon.
Kaya ng BoC ‘yan, lalo na’t inaasahang lalaki pa ang koleksyon sa mga susunod na buwan.

AUTHOR PROFILE