Default Thumbnail

Modernong Populismo

May 8, 2021 Magi Gunigundo 360 views

HALALAN na sa Mayo 9, 2022 at magsasalpukan ang dalawang uri ng pulitika : modernong populismo laban sa liberal na demokrasya. Natalo si Trump, isang modernong populistang politiko, sa Estados Unidos noon Nobyiembre 2020. Paano kaya sa atin?

Dahil sa takot sa “tyranny of the majority”, pinanday ng Amerika ang isang sistema ng gobyerno na ginagalang ang Bill of Rights at “check and balance” na rumerenda sa kapangyarihan ng ehekutibo, lehislatura at hukuman. Dito umusbong ang Liberal Democracy (LD) na may tatlong mahalagang prinsipyo :1. Tinatanggap nito na ang lipunan ay puno ng marami, at madalas, mga magkakahiwalay na sektor na lumilikha ng alitan, salungatan at tagisan ng mga ideya na malayang naipapahayag ng walang diskriminasyon o pangamba;2. Dahil dito, nangangailangan ng sanggunian at malawakang koordinasyon ang maraming paksyon ng lipunan upang makahanap ng kasunduan (consensus building) upang makahakbang pasulong bagamat may kabagalan ang proseso ; 3. Nakasalalay sa tamang pagpapatupad at paggalang sa Saligang Batas at mga batas upang lahat ay mabuhay ng mapayapa patungo sa kaunlaran.

Ang LD ay tumulong sa pagkakaroon ng katatagan sa mga bansa na umampon sa sistemang ito. Ngunit tulad ng anumang sistema ng pamahalaan, hindi nito kayang lutasin ang lahat. Kabilang dito ang patuloy na paglawak ng agwat ng mayaman sa mahihirap na nagluwal ng mga “ underserved constituencies” na nawalan ng tiwala sa kanilang mga pinuno sa politika. Sila ay may lunggati na maghanap ng isang kampeon na hahamon sa mga itinatag na institusyon at uunahin ang mga pangangailangan ng mga tao. Dito nagkakatiyempong sumikat ang modernong populistang politiko o MPP.

Dahil mapanghalina, pinapalabas ng MPP ang kanyang sarili bilang kampeon ng mga tao dahil ang wika niyang ginagamit ay akma sa “ underserved” , at maraming binibitiwang nakakagulat at kamangha manghang pangako, kahit na ito ay mahirap mangyari, na naggaganyak sa mga pinabayaan ng pamahalaan na pinamamahalaan ng makasariling minorya na nagpapasasa sa kayamanan ng bansa. Ang mga MPP ay naghahangad na ibagsak ang nakikita nila bilang isang sirang sistema at ipinapahamak ang sinumang hindi sumasang-ayon sa “karaniwang kalooban ng tao” na kanyang kinakatawan daw.

Ayon sa Greek political scientist na si Takis Pappas sa Journal of Democracy, “Ang Populismo ay isang diskarte ng mapait at walang tigil na polarisasyon pampulitika (pinaghiwalay ang mabuti, ang mga karapat-dapat na karamihan mula sa tiwaling namumuno na elitista at ng kanilang bulok at walang kwentang mga tagasuporta); sinisikap na kontrolin ang mga institusyon ng liberal na demokrasya; ang sistematikong paggamit ng patronage upang gantimpalaan ang mga tagasuporta at lipulin ang oposisyon.” Nagkakalat ng takot at pinapaypayan ang sama ng loob laban sa mga sinisising mapanganib na “ iba” , gamit ang baluktot na fake news. Ito ay nangangako na kapag wala na ang mga “iba” , maayos na ang bansa.Kapag natupad na nila ang kanilang layunin, ang pangwakas na hakbang ng mga populista ay ang mabisang kontrol sa pangangasiwa ng halalan, upang matiyak ang kanilang muling pagkahalal.

Sabi nga ni Joseph Stalin, mas mahalaga ang mga taong bumibilang ng boto, hindi ang mga botante. Bagamat kaduda duda ang etiketa, ang istilo ng MPP ay may puwang sa isang demokratikong bansa. Ngunit may hangganan ito.

Ang pinakaligtas at pinaka-mapagpasyang paraan upang magapi ang mga populista sa demokrasya ay talunin sila sa isang halalan — habang ang halalan ay nananatiling demokratiko pa.

Sinabi ni LARRY DIAMOND (Hoover Institution, Stanford University), na para malupig ang modernong populismo:

1. Huwag gayahin ang istilo ng “polarizer in chief”. Huwag sabayan ang pagmumura niya. Kung gagawin mo ito, maglalaro ka sa kanyang lohika, retorika, at sikolohikal na diskarte at hindi ka magwawagi dahil magaling siya dito. Ang kampanya na nakasentro sa mahigpit na pagtuligsa sa populista at ng kanyang mga maling gawain ay magpapatigas at magpapakilos sa kanyang base at baka lumayo pa ang ilang mga botanteng ayaw ng negatibong kampanya. Panatiliin ang paggamit ng lohika at tamang pag-uugali lalo na sa social media.

2. Bumuo ng isang panglahatang koalisyon sa eleksyon na aabot sa mga nagdududang bahagi ng base ng suporta ng populista. Huwag bansagan ang mga taong bumoto sa populista na walang kwenta at bobo. Huwag kuwestiyunin ang mga moralidad o motibo nila noon nakaraang halalan.

3. Ipakita ang kababaang-loob at pag-ibig na sumusugpo sa nakakalason na pulitika ng pagkamuhi at paghahati-hati.Upang kumonekta sa isang emosyonal na antas sa mga botante na nasasaktan, makiramay sa kanila at makinig sa kanilang mga hinaing.

4. Gumawa ng positibong kampanya na nakabatay sa mga isyu na nakatuon sa mga pagkabigo sa patakaran at kahinaan ng kasalukuyang nanunungkulang administrasyong populista. Mag-alok ng mga panukalang substantibo, praktikal, na hinihimok din ang ilang mga tagasuporta ng populista upang lumikas sila at lumipat. Mag-alok ng pag-asa ng isang mas mahusay na hinaharap.

5. Maging kawili-wili sa kampanya ng hindi bumababa sa istilo ng isang populista. Kailangan lang maramdaman ng tao ang iyong katapatan at marubdob na pagnanais na mabago ang buhay ng tao.

Ang pandemic na ito, ang dagok sa ekonomiya, at pagtatanggol sa teritoryo ng bansa ang mga isyu na pagbabatayan ng mga botante at kandidato.

AUTHOR PROFILE