
Modern techs kailangan ng magsasaka–DA sec
NAPAPANAHON na ang paggamit ng mga modernong paraan para sa agrikultura para tumaas ang produksyon at kakayahang kumita ng mga matatanda nang magsasaka, ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr.
Sa forum na inorganisa ng Philippine Chamber of Commerce Industry, sinabi ni Tiu-Laurel na umaasa siya na mae-engganyo din ang mga kabataang Pilipino namagsaka.
Sinabi ni Tiu Laurel na umaabot lang sa 10 porsyento ang kontribusyon ng agrikultura sa Gross Domestic Product sa kabila ng pagbibigay ng trabaho sa may sangkalima ng kabuuang bilang ng mga manggagawang Pilipino.
Ayon pa sa kalihim, nahaharap ngayon sa seryosong banta ang sektor dahil tumatanda na ang karamihan ng mga magsasaka na may average age na 56 anyos.
“The big challenge we face is making farming profitable. The solution lies in embracing technology-based farming methods,” diin ni Tiu Laurel.
Pinunto naman ni Tiu Laurel na tagumpay ang local innovation sa Hermosa at Dinalupihan sa Bataan na kung saan ginagamit na ang makabagong paraan tulad ng small water impounding systems, fertigation techniques at drip irrigation na nagpabago sa produksyon nila.
Nagpakita ng mga potensyal ang mga teknolohiya na ito sa pagbawas ng paggamit ng fertilizer nang hanggang 70 porsyento at pagbawas ng konsumo ng tubig ng may 30 porsyento.
Dahil dito, magagamit ng tama ang mga resources at mababawasan ang gastos ng mga magsasaka.
Binanggit pa ni Tiu Laurel na interesado ang ahensya na palakasin pa ang agricultural practices sa pamamagitan ng large-scale greenhouse facilities, na tulad ng malawak na paggamit ng South Korea ng katulad na teknolohiya sa may 52,000 ektaryang lupa.
Sa Pilipinas, ani Tiu Laurel, umaabot lamang sa 500 ektaryang lupa ang nakalaan sa greenhouse farming.