
MM folk maghanda sa H2O shortage–TF El Nino
NAGBABALA ang Task Force (TF) El Nino na maaaring kapusin ng suplay ng tubig sa Metro Manila sa mga susunod na buwan dahil sa El Niño.
Ayon kay Presidential Communications Office Assistant Secretary at El Niño Task Force spokesman Joey Villarama, namumuro sa water shortage dahil patuloy na bumababa ang level ng tubig sa mga dam, partikular na ang Angat Dam na pangunahing pinagkukunan ng tubig sa Metro Manila.
“Dahil po officially summer season na mas mataas po ang konsumo ng mga household, ginagamit din po ang tubig para sa irigasyon.
Pero ang pagtitiyak po ng pamahalaan sa pamamagitan po task force El Niño ay mayroon pong backup po na pagkukunan ng tubig ang ating mga concessionaires,” pahayag ni Villarama.
Ayon kay Villarama, may mga naka-standby naman na mga deepwells sa Metro Manila maging sa kalapit na probinsya ng Rizal.
“So, ito po’y 137, 69 po are on standby, 10 are operational na mata-tap ng MWSS para ibigay po yung tubig sa mga dalawang concessionaire po.
Mayroon din po tayong tinatawag na package treatment plants, kung saan po ginagamit po ang wastewater, nirere-process po para po magamit.
So, ang Maynilad po very recently mayroon po silang ininaugurate na treatment plants sa Putatan, Muntinlupa. Dito po, ang tubig po na ginagamit po dito galing sa Laguna de Bay,” pahayag ni Villarama.
Ayon kay Villarama, mayroon namang long term na mga plano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para tugunan ang problema sa tubig.
Halimbawa na ang pagtatayo ng mga high dams na maaaring magamit hindi lamang bilang imbakan ng tubig kundi para magamit sa irigasyon, aquaculture, hydro power generations at maging sa paggamit sa mga bahay-bahay.