
Miyembro ng Lakas-CMD sa Kamara 73 na
DALAWA pang kongresista ang lumipat sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD) na pinamumunuan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Pinangasiwaan ni Speaker Romualdez ang panunumpa nina Laguna 1st District Rep. Ma. Rene Ann Matibag at 3rd District Rep. Loreto “Amben” Amante sa isang simpleng seremonya sa Batasan Complex sa Quezon City noong Miyerkoles.
Sa pagsali ng dalawa ay umakyat na sa 73 ang mga miyembro ng Lakas-CMD, ang pinakamalaking partido sa Kamara ngayong 19th Congress.
Bukod sa dalawa ay nanumpa rin bilang miyembro ng Lakas-CMD sina Liliw Mayor Ildefonso Monleon at Calauan Mayor Roseller Caratihan, na kapwa umano umaayon sa halaga at prinsipyo ng partido.
Ipinahayag ni Speaker Romualdez ang pagkalugod sa pagsali ng mga bagong miyembro kasabay ng paggiit nito sa pagpapahalaga ng Lakas-CMD sa pagkakaisa at pagpapabuti sa kalagayan ng bansa.
“Our party is a coalition of dedicated public servants who share a common goal – to serve the Filipino people with integrity and dedication. With the addition of Representatives Ma. Rene Ann Matibag and Loreto Amante, along with Mayors Ildefonso Monleon and Roseller Caratihan, we are not only growing in numbers but in strength and diversity,” sabi ni Speaker Romualdez, ang lider ng Kamara na may 310 miyembro.
Sinabi ni Speaker Romualdez na mayroong malaking ambag sina Matibag at Amante sa Lakas-CMD dahil sa kanilang malawak na karanasan at dedikasyon para sa natatanging paglilingkod sa kani-kanilang distrito.
Ayon kay Speaker Romualdez ang pag-anib sa Lakas-CMD ng mga bagong miyembro ay patunay sa magandang track record ng partido sa epektibong pamumuno at hindi natitinag na pagsusumikap para sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.
Idinagdag din niya na sina Mayor Monleon at Caratihan, na kapwa iginagalang na mga pinuno sa kani-kanilang bayan ay naniniwala rin sa isinusulong na pag-unlad ng partido.
Ang kanila aniyang pagsasama sa partido ay inaasahang higit na magpapalakas sa presensya ng Lakas-CMD sa lokal na lebel.
“Lakas-CMD remains steadfast in its dedication to nation-building and looks forward to the contributions of these new members in shaping the future of the Philippines. With unity, diversity, and shared values as its cornerstones, Lakas-CMD is poised to continue its legacy of service to the nation,” sabi ni Speaker Romualdez.
Matatandaan na noong Mayo ay pinangunahan din ni Speaker Romualdez ang panunumpa bilang miyembro ng Lakas-CMD ni Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores.