
MISTER TUMALON SA 41st FLR, DEDO!
Tinulak ng matinding depresyon
LASOG-LASOG ang katawan ng 45-anyos na mister na dumaranas ng matinding depresyon nang tumalon mula sa ika-41 palapag ng tinutuluyang condominium Linggo ng madaling araw sa Makati City.
Nakapangingilabot na eksena ang dinatnan ng mga pulis nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa ground floor ng 53-palapag na condominium sa may Kalayaan Avenue bago magala-una ng madaling araw, matapos nilang matanggap ang ulat ng pagpapakamatay.
Ayon sa isinumiteng ulat ni Makati police homicide investigator P/SSg. Evelyn Quirante kay Southern Police District Director P/BGen. Roderick Mariano, nakatanggap ng mensahe ng pamamaalam ang maybahay ng biktima at dahil batid niyang dumaranas ng matinding depresyon ang asawa, kaagad niyang tinawagan ang kaibigan nilang mag-asawa na nagsabing siya rin ay pinadalhan ng suicide note ng biktima.
Nang kanilang matuklasan na umupa ng isang unit sa naturang condominium ang biktima, kaagad silang nagtungo rito dakong alas-12:08 ng madaling araw at sa tulong ng security officer ng condominium, puwersahan nilang binuksan ang unit na inookupa ng nasawi.
Hinanap kaagad ang biktima ng kaibigan at inabutan niyang nakaupo ito sa gilid ng balkonahe subalit bago pa man niya malapitan ay tumalon na ang biktima patungo sa kanyang kamatayan.
Nakapagresponde naman kaagad sa lugar ang mga tauhan ng Poblacion Police Sub-Station ng Makati police sa pangunguna ni P/Capt. Angelo Mendoza at inabutan pa nila ang lasog-lasog na katawan ng biktima sa ground floor ng condominium.
Bunsod nito, tumawag sila sa imbestigador at tauhan ng Scene of the Crime Operatives o SOCO na nag-proseso sa lugar.