Arestado ARESTADO – Hindi na nakapalag ang akusado at minabuti na lamang na sumuko ng maayos matapos siyang arestuhin ng mga operatiba ng Manila Police District-Moriones Police Station sa bisa ng kanyang arrest warrant sa kasong acts of lasciviousness. Kuha ni JON-JON C. REYES

Mister arestado dahil sa acts of lasciviousness

August 5, 2023 Jonjon Reyes 227 views

HIMAS sa rehas na bakal ang isang 55-anyos na lalaki matapos maaresto sa bisa ng warrant of arrest ng mga operatiba ng Manila Police District (MPD) Moriones Police Station 2 dahil sa kaso nitong acts of lasciviousness, sa kahabaan ng Morga Street, Tondo sa Maynila nitong Huwebes.

Kinilala ni Police Lt. Col. Rosalino “Jhun” Ibay Jr., hepe ng MPD Police Station 2, ang natimbog na suspek na alyas “Ayie” na may asawa at naninirahan sa 1649 Imelda Street sa Tondo.

Base sa report ni Police Capt. Robert Datu, hepe ng warrant/intel section, bandang 12:05 ng tanghali nang magsagawa sila ng police operation hinggil sa mga kriminal na nagtatago sa batas, hanggang sa may natanggap silang tawag mula sa kanilang impormante na namataan ang suspek sa nasabing lugar.

Agad namang kumilos ang mga tauhan ni Datu at mabilis na tinungo ang lugar na nagresulta sa agarang pag-aresto sa suspek.

Bitbit ng isa sa mga tauhan ng MPD Police Station 2 ang arrest warrant na inisyu ni Presiding Judge Carolina Esguerra ng Manila Trial Court Branch 14 na may petsang Setyembre 23, 2016, na may Criminal Case No. 486993-CR sa kasong acts of lasciviousness laban sa suspek.

Humihimas na ngayon ang suspek sa malamig na rehas na bakal ng MPD matapos na matimbog ito ng mga operatiba, habang hinihintay ang dokumentasyon at proseso sa kanyang kaso sa utos na rin ng korte.

AUTHOR PROFILE