
Miles nai-starstruck kay Juday
MAY panibagong gigil si Miles Ocampo sa pag-arte.
Ito ang inamin ng dalaga sa pagpirma ng kontrata sa All Access to Artists management na dinaluhan din nina Triple A President/CEO Direk Mike Tuviera, Head of Operations and Sales Jacqui Cara at CFO/COO Jojo Oconer kamakailan.
Biro nga ni Miles na, incidentally, ay magse-celebrate ng 28th birthday sa May 1, nakakaartista ang pakiramdam niya sa big welcome na ibinigay ng mga nabanggit ng executives kaya naman nangako siya na gagalingan at susulitin ang pagtitiwala ng mga ito sa kanya.
Sey pa ni Miles, “Mahirap na madali ang naging desisyon ko kasi sabi nga po nina Direk Mike, even before pa nila ako kunin bilang artist nila, halos lahat ng projects ko is with them. And the fact na pinagkatiwala nila sa akin ‘yung ‘Padyak Princess,’ na binigay nila sa akin ‘yung break na ‘yon kahit ‘di pa nila ako alaga, means so much to me. ’Coz parang ang hirap ngayon, sa dami ng artista, para pagkatiwalaan ka nila na bigyan ng ganu’ng klaseng project, malaking bagay ‘yon na bilang artista na ‘yung mga hahawak sa akin, eh, nagtitiwala sa akin.”
Ang “Padyak Princess” na tinutukoy ni Miles ay ang 2024 comedy drama sa TV5 na pinangunahan niya kasama sina Kira Balinger, Miggy Tolentino, Ces Quesada, Jameson Blake at marami pang iba.
Ngayong isa na siyang Triple A artist at kahanay na sa kwadra ang mga tulad nina Marian Rivera, Maine Mendoza at Carla Abellana, sinabi ni Miles na isa itong new chapter sa karera niya bilang artista’t host.
Nang tanungin kung sino ang artistang nasa bucket list niyang makatrabaho sa isang proyekto, walang kagatul-gatol niyang binanggit si Judy Ann Santos.
Ayon kay Miles, nai-starstruck siya tuwing nakakaharap si Juday.
Unfortunately, wala pa silang pagkakataon na magkasama sa iisang proyekto, mapa-TV man o pelikula.
“Wala, wala, hindi pa po,” turan niya sa press. “‘Pag nagkikita lang kami,” bilang magkasama nga sila ng mister ni Juday na si Ryan Agoncillo sa “Eat Bulaga.”
“Nahihiya ako sa kanya,” dagdag pa ni Miles, “nai-starstruck ako sa kanya, eh. Tahimik ako ’pag nandiyan si Ate Juday.”
Nang tanungin si Direk Mike tungkol sa mga plano ng Triple A sa career ng aktres/TV host, sey niya, “Meron kaming series na gagawin for Netflix. Iibahin namin sa daily niyang ginagawa sa ‘Bulaga.’ At dahil magaling din siya sa drama, soon, gagawa kami ng movie para sa kanya.”