
Miles dapat maging modelo ng mga baguhang artista

HINDI maitatago ang kasiyahan ni Miles Ocampo nang pumirma kanakailan ng kontrata sa kanyang bagong management company, ang All Access to Artists (AAA). Paano ba naman, kasama na siya sa naturang kampo ng mga kilala at naggagandahang aktres na sina Marian Rivera, Carla Abellana, at Maine Mendoza.
Sa naturang contract signing na ginanap kamakailan sa Lola Ote Restaurant sa Quezon City, kumpleto ang pamunuan ng AAA mula sa presidente at CEO nito na si Michael Tuviera, COO/CFO Jojo Oconer, Head of Operations Jacqui Cara, at iba pang mahahalagang tao sa kumpanya.
Isang video ang ipinakita kung saan binati siya ng iba pang kasama sa kuwadra, kabilang na sina Marian, Maine, Carla at Hershey Neri.
Kasama sa mga unang hakbang bago ang pagpirma ng kontrata ay isang chic photoshoot ng celebrity photographer na si Raymond Cauilan.
Now 28, bagama’t nagdagdag ng kaunting timbang, halos hindi pa rin nagbabago ang bata at magandang mukha ni Miles. Bukod sa daily hosting sa ‘Eat Bulaga,’ sa ngayon ay gusto niyang mas gumawa ng mga pelikula. Kung bibigyan din ng pagkakataon, gusto niyang sumulat ng sarili niyang script. Nagkaroon siya ng pagsasanay sa scriptwriting sa ilalim ng National Artist na si Ricky Lee.
Tulad ng kanyang boyfriend na si Elijah Canlas, seryoso si Miles pagdating sa kanyang craft. Katunayan, kahit sa kanilang edad ngayon, wala pa sa plano nina Miles at Elijah ang lumagay sa tahimik. “Marami pa po kaming gustong matupad bilang artists,” paliwanag ni Miles.
Isa pa sa maipagkakapuri kay Miles, bukod sa kanyang ganda at husay umarte, ay ang kanyang kababaang-loob. Alam niya na maraming iba pang magaganda at mahuhusay na artista, kaya naman hindi siya nagpapabaya. Bukod sa kanyang humility, hindi rin siya kampante bilang artista na malaki man o maliit na role ay ibinibigay niya ang lahat.
Dapat maging modelo si Miles ng mga baguhang artista.