Bureau of Customs

Mga warehouse ng bigas ininspeksyon ng BOC

September 18, 2023 People's Tonight 335 views

NAGSAGAWA ng inspeksyon ang mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa dalawang warehouse ng bigas.

Batay sa inilabas na impormasyon ng BOC nitong Linggo, ang inspeksyon ay isinagawa ng mga tauhan ng BOC-Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Port of Manila (POM), Legal Service, Philippine Coast Guard at mga opisyal ng barangay.

Ang mga sinalakay na warehouse ay matatagpuan sa Pulang Lupa, Las Piñas, at sa Bacoor, Cavite. Isinagawa ang inspeksyon noong Huwebes, Setyembre 14.

Natagpuan umano sa mga warehouse ang mga bigas mula sa Vietnam, Thailand, at China, na tinatayang nagkakahalaga ng P40 milyon.

Ayon sa BOC, ibinebenta ang isang 25-kilong sako ng bigas mula sa Vietnam sa halagang P1,320 o P52.8 kada kilo.

Ito ay lagpas sa itinakda ng Department of Agriculture na P41 kada kilo para sa regular milled na bigas at P45 kada kilo para sa well-milled rice.

Ayon umano sa may-ari ng warehouse sila ay mga rice trader at hindi importer.

Binigyan ng BOC ng 15 araw ang mga may-ari upang magsumite ng mga proof of payment sa naturang mga bigas.

Pinaigting ng BOC ang pagsasagawa ng mga inspeksyon sa mga warehouse alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos na labanan ang rice smuggling sa gitna ng mga hakbang na ginagawa ng gobyerno upang mapababa ang presyo nito.

AUTHOR PROFILE