Default Thumbnail

Mga usurero magtimpi kayo

February 11, 2023 Magi Gunigundo 559 views

Magi GunigundoANG usura ay labis na pagpapatubo ng higit pa sa pinapahintulot ng Usury Law o Act No. 2655: ang “legal rate of interest” ay 6% per annum at ang “contractual rate” ay hindi maaaring humigit sa 12% per annum kung mayroon isi- nanglang lupa o real estate mortgage, at 14% per annum kung walang kolateral ang utang. Inalis ang kisame ng interes sa pautang ng Central Bank Circular 905 S.1982 na nagkabisa noon Enero 1,1983. Bagamat iba ang layunin ng Circular, nagbigay ito ng negatibong epekto. Wala ng batas na pipigil sa mga usurero, maliban na lang ng sariling konsensiya, na magpatubo sa pautang sa mga nagigipit, na lalong nabaon sa utang sa laki ng tubo na kailangang bayaran liban pa sa prinsipal na inutang.

Dahil nalalapit na ang Semana Santa, pagbulayan ng mga usurero ang talata sa Exodo 22: 25, “ Kapag nangutang sa inyo ang mga kababayan ninyong mahihirap, huwag kayong hihingi ng tubo, tulad ng ginagawa ng mga nagpapatubo. “ Ito rin ang kahalintulad na mensahe sa Nehemiah 5:10; Awit 119:36; Isaias 56:9-12;57:17; Jeremias 6:13; 8:10; 22:13-17 Ezekiel 22:12-13; 33:31.

Sinabi ng Korte Suprema sa Spouses Albos v Spouses Embisan ,GR # 210831, Nob 26,2014 , na ang pagpapataw ng napakalaking tubo sa utang, kahit na kusang loob na pinasok ng nangungutang, ay imoral at hindi makatarungan. Ito ay katumbas ng isang kasuklam-suklam na panloloko at isang masamang pagkumpiska ng ari-arian, na nakakadiri sa sentido komun ng tao. Wala itong nakukuhang suporta sa batas, sa mga prinsipyo ng katarungan, o sa budhi ng tao at walang anumang dahilan na maaaring magbigay-katwiran sa usura bilang matuwid na gawain na maaaring mapanatili sa loob ng bilog ng pampubliko o pribadong moral.

Sa Castro v. Tan(GR # 168940, Nob 24,2009), bagamat ang mga partido sa isang kasunduan sa pautang ng pera ay malayang maitatakda ang anumang halaga ng interes dahil sa CB Circular No. 905 s. 1982, nararapat ding bigyang-diin na ang mga tipo ng interes na walang konsensya ay maaari pa ring ideklarang iligal ng Hukuman dahil imoral ito. Hindi binigyan ng CB Circular ang mga nagpapahiram ng “ carte blanche” na awtoridad na itaas ang mga tipo ng interes sa mga antas na magpapaalipin sa partido na nanghihiram o hahantong sa tuloy tuloy na pagdurugo ng kanilang mga ari-arian hanggang sa maubos ito.

Sa Medel v. Court of Appeals ( GR # 146942 ,Apbril 22,2003), ipinawalang-bisa ang napagkasunduang 5.5% kada buwan o 66% bawat taon na interes sa isang ₱500,000.00 na pautang at isang 6% bawat buwan o 72% bawat taon na interes sa isang ₱60,000.00 na pautang, sa pagiging sobra-sobra, masama at walang konsensya. Sa Ruiz v. Court of Appeals,( GR # 131622 ,Nob 17,1998) ,idineklarang sobra-sobra ang 3% buwanang interes na ipinataw sa apat na magkahiwalay na pautang. Sa mga kaso ng Medel at Ruiz, ang mga tipo ng interes ay ibinaba ng Korte Suprema sa 12% bawat taon o 1% kada buwan.

Sa kaso ng Spouses Albos, ang 5% buwanang rate ng interes, o 60% bawat taon, na pinagsama-samang buwanan interes, ay mas mataas pa kaysa sa 3% buwanang tipo ng interes sa kaso ng Ruiz. Imoral ito at dineklarang void ab initio sapagkat labag ito sa Artikulo 1306 ng Civil Code. Simpleng interes na 12% kada taon ang ipinataw ng Hukuman.

Alinsunod sa doktrina ng Heirs of Zoilo at Primitiva Espiritu v. Landrito (GR # 169617, Abril 3,2007) pinawalang bisa rin ng Korte Suprema ang foreclosure of mortgage ng ari-arian isinanla ng Spouses Albos .

Sa Heirs of Espiritu, ang mag-asawang Landrito ay humiram sa mag-asawang Espiritu ng halagang ₱350,000.00, na sinigurado ng isang real estate mortgage. Dahil hindi makabayad, tatlong beses nagbigay ng palugit sa kondisyon na ang interes na naipon na , mula noon ikatlong palugit, ay magiging bahagi ng prinsipal. Dahil dito, ang prinsipal ay umabot sa ₱874,125.00 sa loob lamang ng dalawang taon. Pinawalang-bisa ng Korte Suprema ang pagkakailit at subasta ng lupa dahil ang mga Landrito ay hindi nabigyan ng pagkakataon na bayaran ang kanilang utang, sa tamang halaga na walang maling interes na ipinataw.

Huwag umutang kung sa luho lang gagamitin ang pera. At para sa mga usurero , magtimpi kayo. Tulungan at huwag pagsamantalahan ang mga kababayang gipit dahil sa dagok ng pandemiya sa ating ekonomiya .

AUTHOR PROFILE