Rodriguez Ibinabahagi ni Executive Secretary Vic Rodriguez sa Senate Blue Ribbon Committee ang status ng sugar supply Martes, Agosto 23, 2022. Photo courtesy ng Senate PRI

Mga senador saludo kay ES Rodriguez

August 23, 2022 People's Tonight 307 views

Dahil sa aksiyon ng gobyerno vs sugar hoarding, artificial shortage

SINALUDUHAN ni Senate President Juan Miguel Zubiri si Executive Secretary Vic Rodriguez dahil sa ginawang aksiyon ng pamahalaan upang mapababa ang presyo ng asukal, kasabay ng pagkakabuko na mayroong artificial shortage.

Bukod kay Zubiri, maging si Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ay nagbigay papuri sa walang humpay na operasyon para masugpo ang hoarding ng asukal sa bansa.

“Dahil sa concern niya po sa industriya, sa ating mga magsasaka, siya ay nagpatawag ng isang meeting kung paano natin maresolba ang issue na ito,” ani Zubiri.

“And I would like to take this opportunity to say that he (Rodriguez) has been on top of the situation in terms of bringing down the prices of sugar to our markets,” wika pa niya.

Si Rodriguez ay humarap sa isinagawang pagdinig ng Blue Ribon Committee hinggil sa kontrobersiyal na sugar importation na yumanig sa bansa kamakailan.

Sinabi ni Zubiri na malaking bagay ang ginawang pakikipag-usap ni Rodriguez sa mga may-ari ng malalaking supermarkets na naging dahilan para ibaba ang dating P110 kada kilo ng asukal ay P70 na lang ngayon.

“Para ‘yan sa—sinabi nga ni Senator Joel Villanueva—para sa mga turon at banana cue operators, MSMEs. Nagpapasalamat po ang taumbayan,” ani Zubiri.

Binigyang-puri rin ni Zubiri si dahil sa pangunguna nito, base na rin sa kautusan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na masawata ang talamak na shortage sa Metro Manila at mga katabing probinsiya tulad ng Bulacan at Pampanga.

“He gives me the reports. I shared it with my dear colleagues, para makita na aksyon agad,” sabi ni Zubiri.

“Kaya maraming salamat po, Executive Secretary… on behalf of the industry and mga farmers, sa mga ginagawang hakbang ng Pangulo through your office,” pagbibigay-diin pa nito.

Maging si Senator Dela Rosa ay nagpaabot ng pasasalamat kay Rodriguez.

“Salamat sa inyong ginagawa,” sabi pa ni Bato na isang dating hepe ng Philippine National Police (PNP).

Idinagdag ni Dela Rosa na napakahalagang makasahan ang mga nahuhuling nangho-hoard ng asukal upang hindi na sila pamarisan.

“Sana, Sir, ‘yung mga nahuli niyong hoarder, tuluyan na niyong kasuhan,” sabi pa ni Dela Rosa.

“People are waiting na may makakasuhan na mga hoarder dito at price manipulators,” wika pa niya.

Nitong nakalipas na Lunes ay kinumpirma ng Malakanyang na mayroong artificial shortage upang ma-justify ang importasyon ng asukal na pinagkakakitaan ng mga tusong negosyante. Ni ANCHIT MASANGCAY

AUTHOR PROFILE