Hontiveros

Mga senador hati sa isyu ng diborsiyo

May 28, 2024 PS Jun M. Sarmiento 224 views

HINDI TAMANG ilagay lamang sa drawer ng archive sa Senado ang isyu ng kontrobersyal na Divorce law dahil ito ay direktang pagbibigay laya sa mag asawa na naiipit sa napaka masalimuot na relasyon bunga ng maling desisyon.

Ito ang ipinunto ni Sen. Risa Hontiveros na nagsabing kailangan umanong magkaroon ng paghilom ng sugat ang anumang pait ng maling pagpili ng makakasama sa buhay at ito ay mangyayari lamang kung bibigyan aniya ng mga mambabatas natin ng karapatan ang sinumang Pilipino na makapanimula muli sa pamamagitan ng pagsuporta sa pagpasa ng diborsyo lalo’t aniya sa Senado.

Para kay Hontiveros, isang malaking problema ang dulot sa mag-asawa na animo’y nakakulong dahil sa pinagkakait ng batas sa kasalukuyan ang diborsyo sa Pilipinas habang ang buong mundo naman ay tinangkilik na ito.

” I am willing to work with my colleague across the aisle to come up with a divorce law acceptable to all, pero syempre dapat i-sentro ang pangangailangan ng ating mga kababayan lalo na ang ating mga kababaihan na gusto lumaya sa toxic at mapang abusong relasyon,” giit ni Hontiveros.

Aniya, marapat lamang bigyan ng pagkakataun ang mag-asawang nagpasiyang maghiwalay sa iba’t ibang kadahilanan upang muli ay makapagsimula sila ng panibagong buhay.

Base sa datus at iba’t ibang pag aaral, maraming Pilipino ang sang-ayon na ipasa ng Kongreso ang diborsyo sa Pilipinas dahil na rin sa dami ng problemang idinudulot ng mag asawang hindi na magkasundo at nauuwi lamang sa mas matinding away ang relasyon bunga na kawalang ng diborsyo.

Bagamat may tinatawag na annulment ay sinasabing hindi ito kakayanin ng isang ordinaryong tao dahil sa kamahalan ng gastos para maisakatuparan ito.

“Marami pong sa mga divorce advocates, karamihan babae, meron ding mga lalaki, sabi nila, matagal na silang ang relasyon nila ay ang katangian ay sa halip na yung mga katangian ng isang kasal, ang katangian ay either karahasan o kapabayaan o talagang wala na, absent na sila sa isa’t isa. So bakit ipipilit kahit ng mga masaya naman sa ating bokasyon sa buhay, may mga masaya namang kasal at pamilyado, bakit naman ipagkakait sa iba na magkaroon din ng tsansa sa ganoong klaseng makataong Buhay?” paglalahad ni Hontiveros.

Si Hontiveros na siyang kasalukuyang chair ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality ay umamin din na kahit may mga pilit humaharang sa Senado sa pagpasa nito ay umaasa siyang pakikinggan ng mga kapwa niya senador ang taghoy ng mga mag asawang naiipit sa kasalukuyan batas at hindi makapanimula ng kanilang bagong buhay dahil sa lupit na idinudulot ng hindi pagsang ayon sa diborsyo sa Pilipinas.

“Yan po ay matagal nang tapos ang aming committee report sa pagdinig niyan sa Senate Committee on Women. Iniintay na lang na ma-report out siya sa plenaryo para nga sa interpellation and debate. Sana mabigyang daan yan sa lalong madaling panahon at hindi kumbaga i-archive lang sa isang drawer. Dahil ang tanging pakay niyan ay bigyan ng chance sa second chance sa pag-ibig, pagtataya, isang buong family life ang mga tao na matagal nang nawala sa pagitan nila ang esensya ng pagiging kasal. Ano po? Yung pagmamahal, yung pagmamalasakit sa isa’t isa, yung araw-araw na companionship at pagkalinga sa isa’t isa.” ani Hontiveros na nagsabing huwag sanang ilagak na naman sa senate archive drawer ang buhay ng mga nais makapanimulang muli sa pamamagitan ng pag aprub sa batas na ito.

Para naman kay Sen. Jose Jinggoy Estrada, inamin nito na direkta niyang tututulan ang diborsyo at mas nanaisin niya aniya na bigyan halaga ang annulment at dagdagan pa ng mas malalim na kagat ito at mas padaliin din para sa mga hindi magkasundong mag asawa.

“I have been and still am not in favor of legalizing divorce in our country. Instead of pushing for an absolute divorce law, which is proscribed by the Constitution, perhaps a bill with a well-defined ground for nullifying a marriage would be a much welcomed alternative. In fact, I filed a bill during the 15th Congress defining certain indications of psychological incapacity as a ground for the declaration of nullity of marriage. Imbes na divorce, bakit hindi na lang natin pag-aralan kung paano mas katanggap-tanggap at mapapagaan ang proseso ng pagkuha ng annulment ng kasal?” ani Estrada.

Bukod kay Estrada, ay tahasan din lumutang ang bagong upo na Pangulo ng Senado na si Sen. Francis Chiz Escudero na nagsabing hindi siya sang ayon sa bersyon na ipinasa ng Kamara sa isyu ng divorce.

“Yung nakita kong version ng Kamara hindi ako sang-ayon dun. Tutol ako. May mga amendments ako na kung matatanggap ay maaaring tingnan kong muli,” Escudero maintained.