Default Thumbnail

Mga pulitikong patalon-talon na lang sa mga krisis

August 12, 2023 Magi Gunigundo 330 views

Magi GunigundoSinabi ni Alvin Toffler sa Future Shock na ang umiiral na sistema ng pulitika ay bulag sa mga hamon ng bukas. Imbes na pag-isipan at paghandaan ang nakikini-kinitang mga suliranin at mga pagkakataon na dala ng bukas, patalon talon na lang ang mga pulitiko mula sa isang krisis sa susunod na krisis na paulit-ulit na bunga ng problema na hindi pinapansin, paliwanag ni Toffler.

Isang halimbawa ang palala ng palala na suliranin ng baha na ngayon ay namamahay na sa mga lugar na dati ay hindi binabaha.

Nakita na natin ang nangyaring baha sa Kalakhang Maynila noon Setyembre 2009 dahil kay Ondoy. Hindi nagtagal , dumating si Habagat. Pagkaraan ng sampung taon, mas malalang eksena ang nakita natin kay Ulysses. Ngayon 2023, pati mga lalawigan ng Pampanga at Bulacan ay lubog sa bahang dulot ni Falcon. Marami ang may sapantaha na lalong lumala ang problema ng baha dahil sa kaliwa at kanan na reclamation projects sa look ng Maynila na pinayagan ng nakaraang administrasyon kahit walang impact assessment ng DPWH.

Isiniwalat ni Rogelio L. Singson , dating Kalihim ng DPWH, na marami silang ginawang pag-aaral upang masolusyunan ang problema ng baha noon 2010-2016. Kabilang na dito ang pagkakaroon ng malalawak na “ water impounding areas” na kahalintulad sa Tokyo, Bangkok at Malaysia. Isinantabi daw ang mga ito sapagkat hindi paglutas sa baha ang prayoridad ng 6 na taon administrasyon ni Duterte. Sa isinagawang pulong ng Pangulong Marcos sa Pampanga kamakailan upang hanapan ng solusyon ang baha, binanggit ni Singson ang pangmatagalan at epektibong solusyon sa baha.

Tingnan natin ang mga matagumpay na flood control projects ng ibang bansa.

Inumpisahan gawin noon 1992 ang Tokyo G-can underground discharge channel. Ang pasyang ito ay nabuo pagkaraan dumanas ang mga nasa Tokyo ng matindi at sunod sunod na pagbaha noon 1991. Natapos ito noon 2006 pagkaraan ng 14 na taon. Ang flood control project na ito sa ilalim ng lupa ay 2 milya ang haba at kayang maglulan ng tubig baha katumbas ng 54 na Olympic size swimming pool. Mayroon itong 78 na bomba na ang kapasidad ay 10 MW(13,000 hp) na kayang sumipsip ng 200 toneladang tubig kada segundo at binubuga nito ang baha sa ilog ng Edo.

Tinatayang 90% ng problema ng baha sa Tokyo ay nalutas ng proyektong ito.

Ang Malaysia naman ay mayroon Stormwater Management and Road Tunnel (SMART) flood tunnel sa Kuala Lumpur bilang lunas sa mga flash floods sa lugar. Kapag tag-init, ang mga tunnel ay ginagamit na expressway.

Ang Thailand naman ay mayroon mga monkey cheeks na imbakan ng tubig baha. Ito ay proyekto ni Haring Bhumibol. Ngayon , balak ng mga Thai na gumawa ng mga underground monkey cheeks para tuluyan ng mawala ang baha sa Bangkok.

Sinabi ni Jim Dator ng University of Hawaii, “Sa mga nagdaang siglo, itinuro sa atin na dapat sambahin ang mga ninuno at igalang ang mga tradisyon nila, at mainam naman ito. Ngunit ngayon, dahil sa dami ng mga bagong hamon na sumusugod sa atin buhat sa hinaharap, kailangan nating gawin ang isang bagay na hindi pa natin nagawa dati at pinangangambahang wala tayong abilidad na gawin ngayon, ang sambahin ang ating mga apo at mahalin sila ng higit pa sa pagmamahal natin sa sarili. “

Atubili ang mga pulitiko na maglagay ng pondo sa mga proyekto kontra-baha na hindi matatapos sa loob ng tatlo o anim na taon na termino dahil ang kredito ay makukuha ng susunod na administrasyon. Nakakiling sila sa mga “band aid solutions” tulad ng road dike, riprapping at dredging na hindi nasasaling ang nagnanaknak na problema ng paglubog ng lupa(subsidence, sa wikang Ingles) na bunga ng urbanisasyon at pagtaas ng lebel ng karagatan dahil sa climate change.

Dalawang taon na lang at halalan nasyonal at lokal na naman. Panahon na para magising ang taong bayan sa katotohanan na masama sa ating mga apo ang mga pulitikong patalon-talon lang sa paulit-ulit na krisis na bunga ng hindi nasosolusyunang problema. Sana ay hindi mauwi sa pagiging ikalawang bahagi lamang ng administrasyon Duterte ang bagong administrasyon Marcos pagdating sa paglutas ng problema ng baha.

AUTHOR PROFILE