Default Thumbnail

Mga ‘kuwalipikado’ sa Senado

January 9, 2024 Paul M. Gutierrez 172 views

Paul“NANGANGAMOY” na (naman) ang eleksyon, mga kabayan, partikular ang ‘midterm elections’ sa susunod na taon, mga kabayan.

Para sa mga ‘re-electionists’ partikular sa Senado, hindi ba ninyo napansin na “nangagampanya” na sila kung saan hindi pinalampas ang pagkakataon na bumati sa ating lahat noong Pasko sa pamamagitan ng mga tarpaulin kasamang Leo Lumaban Palo, hehehe.

‘Yung iba naman, “masigla” na ulit ang mga panayam sa midya at ang iba pa, daig pa si PBBM sa “pag-iikot” sa mga probinsiya para umano sa mga ‘public consultations.’ Ganern? Yes, Jose, ganern nga. Kumbaga, kanya-kanyang epal, ehek, gimik lang ‘yan!

At kabi-kabila na rin ang mga naglalabasang survey kung “sino” ang “matutunog” na pangalan para sa 12 upuan na mababakante sa pagka-senador. Translation? Kung ngayon gaganapin ang halalan, “sino” ba sa panlasa ng mga Pinoy ang may “K” na maluklok sa Senado?

Isa sa umagaw ng ating pansin, mga kabayan, ay ang pangalan ng ating kaibigan at katuwang sa serbisyo-publiko na si Public Attorney’s Office (PAO) Chief Atty Persida V. Acosta. At siyempre, si “idol” Rep. Erwin Tulfo ng ACT-CIS Partylist na siya ring unang ‘DSWD secretary’ ni PBBM.

Bumandera sa isang survey ng Social Weather Stations (SWS) ang pangalan nina Atty. Acosta at Idol Erwin sa mga napupusuan para sa 2025 senatorial race.

Sa totoo lang, nagulat tayo sa naging opinyon ng mga natanong sa survey, dear readers.

Nagulat, nabigla tayo dear readers, dahil ni minsan ay hindi naman “nagparamdam” o “nagparinig” sa atin itong ating mga kaibigan na nais nilang mahalal, at sa Senado pa, mismo!

Take note, “madalas” po nating kausap sina PAO chief at Cong. Erwin, partikular pa nga si Atty. Persida na siyang “kabalikat” natin sa 5 matatagumpay na media summits na isinagawa ng ating ahensiya, ang PTFoMS, nitong katatapos na taon.

Sa lumabas na artikulo sa isang pahayagan, pasok sa top 10 ng mga Senate “winnables” para sa 2025 midterm polls si PAO Chief Acosta na nakakuha ng 47 porsiyento trust rating at 82 porsiyento naman sa ‘public awareness’ o mga nakakakilala at nakakaalam ng kanyang pagkatao.

Ang survey ay isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interview mula sa 1,200 respondents nationwide noong December 8-11, 2023.

Nasa ika-6 na puwesto si Atty Acosta mula sa 44 na pangalan na kasama sa survey, sa bahagi ng National Capital Region.

Bakit nga kaya lumutang ang pangalan ng PAO Chief? Marahil, nais ng publiko ang isang Atty. Acosta na maluklok sa Senado? Dahil naniniwala sila sa kanyang karanasan at track record bilang ‘lawyer of the poor’ at pagiging bihasa sa batas bilang batikang abogado.

Alam n’yo ba mga kabayan, na hindi lamang basta abogado si Atty. Acosta? Siya ay nasa ika-4 na puwesto nang pumasa sa Bar Exams noong 1989.

At patunay pa na kwalipikado si Atty. Acosta dahil mula 2001 pa niya pinamumunuan ang PAO, milyones na, as in, milyones nating mga kababayan ang kanyang natulungan hindi lang sa usaping ligal. Bunga nito, napabalik ni PAO Chief ang tiwala ng mga Pinoy sa integridad ng ating sistema ng hustisya.

Kaya nga, kahit nagpalit ang mga administrasyon, walang presidente ng ‘Pinas na pumayag na mapalitan siya sa puwesto. At ‘yan ang tamang desisyon!

Siyempre pa rin, kasama tayo sa mga natutuwa at nagmamalaki na mayroong isang lehitimong police reporter na umangat, nakilala, hinangaan at inirespeto hindi lang ng ating hanay sa midya, sa katauhan ni Rep. Erwin Tulfo.

Sa kabila naman ng mga survey results kung saan “nakaungos” sina Idol Erwin at PAO chief sa posisyon kahit sa mga kandidatong ginawa nang ‘career’ ang pagiging pulitiko, bilib tayo sa kanilang kababaan ng loob, tama ba, kasamang Jericoo Javier?

Sakali namang magtuloy-tuloy ang kanilang “guhit ng tadhana” at maging mga kandidato, abah, alam na ninyo ang mga pangalan na hindi dapat mawala sa inyong listahan, dear readers, ng mga karapat-dapat na mailuklok sa Senado. Sila na ‘yun, period!

Let us wait and see o sa madaling salita… Abangan!

AUTHOR PROFILE