
Mga kulelat imposibleng makahabol
Ayon sa datos ng Pulse Asia:
NAKITA sa datos ng survey firm na Pulse Asia na madaling sabihin ngunit imposibleng gawin ang tinatawag na come-from-behind na panalo sa karerang pampanguluhan ng bansa.
Ayon pa sa datos, hindi pa ito nangyayari base na rin sa aktwal na numerong naitala sa huling tatlong presidential elections sa Pilipinas.
Higit pa rito, ipinakita rin ng mga numero na ang mga nangunguna sa mga survey bago ang halalan ay kadalasang napapanatili ang kanilang momentum hanggang sa aktwal na araw ng botohan, dahilan kung bakit mas mahirap nang humabol ang kanilang mga katunggali.
Sa pagsusuri sa mga surveys bago ang halalan at maging ng mga resulta ng exit polls noong 2004, 2010 at 2016 presidential elections, kapansin-pansin na ang mga nangungunang kandidato ay nagagawa pang dagdagan ng tatlo hanggang apat na porsyentong puntos ang kanilang voter preference.
Ipinakita rin ng datos na hindi na kinakayang lampasan ng mga humahabol ang mga front-runners kahit kadalasang umaakyat ang kanilang mga numero ng lima hanggang anim na puntos.
Nangangahulugan lamang na sa darating na halalan sa Mayo 9, 2022, na inaasahang hanggang anim na puntos lang ang itataas ng voter preference ng pinakamalapit na karibal ni Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na si Leni Robredo.
Noong 2004, si Gloria Macapagal-Arroyo ay nagkaroon ng pinal na voter preference na 37 percent, na lumago sa 39.9 percent sa mga exit polls, dahilan kung bakit naungusan niya si Philippine cinema king Fernando Poe Jr.
Nangyari itong muli noong 2010 presidential elections nang si Benigno Aquino III ay nakakuha ng 39 percent sa pre-election surveys at nakapagtala ng 42.08 percent sa exit polls.
Samantalang ang kanyang karibal na si dating Pangulong Joseph Estrada, na kahit tumaas ng anim na porsyento ang voter preference ay hindi pa rin nakaabot kay Aquino.
Noong 2016, ang kasalukuyang Pangulong Rodrigo Duterte ay nakakuha ng 35 percent na voter preference sa mga survey bago ang halalan, at umakyat sa 39 percent sa mga exit polls, habang ang kanyang karibal ay tumaas ng halos pitong porsyento.
Ang Pulse Asia kamakailan ay naglabas rin ng kanilang huling pre-election survey kung saan si Marcos at ang kanyang running mate na si Inday Sara Duterte ay nakakuha ng 56 percent at 55 percent voter preference, respectively.
Ayon kay Ana Maria Tabunda, research director ng nasabing polling firm, ang mga resultang nakita sa kanilang huling pre-election survey ay tila sumasalamin na sa magiging resulta ng darating na pambansang halalan sa Mayo 9, 2022.
“Magbago man kaunti lang hindi na magkakaroon ng upset. Mahihirapan na talaga ‘yung ibang contenders na makahabol,” sabi ni Tabunda sa panayam sa radyo kamakailan.
Kinumpirma rin ng datos ng Pulse Asia ang matagal nang alam ng mga political strategists na mahirap nang makabawi ang isang kandidato na hindi naging maganda ang performance sa panahon ng pangangampanya.