
Mga kongresista tinuligsa si Duterte
Sa status quo policy sa Ayungin Shoal kahit PH nanalo na sa arbitral court
TINULIGSA ng mga kongresista si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte at administrasyon nito sa pagpapatuloy ng status quo o “walang galawan” policy sa Ayungin Shoal kahit nanalo na ang Pilipinas sa arbitral court.
Ginawa ng mga kongresista ang pagtuligsa matapos na sabihin ni dating Executive secretary Salvador Medialdea na ipinagpatuloy ng administrasyong Duterte ang napagkasunduan nina dating defense secretary Voltaire Gazmin at noon ay Chinese Ambassador Ma Keqing na magpatupad ng status quo sa Ayungin Shoal kahit na nanalo na ang Pilipinas sa Arbitral Court.
Ayon umano sa kasunduan ay tubig at pagkain lamang ang ipadadala sa mga sundalo na nasa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal.
Wala namang inilabas na ebidensya si Medealdia kaugnay ng sinasabi nitong kasunduan ni Gazmin at Ma samantalang sinabi ni dating Defense Sec. Delfin Lorenzana na wala itong alam sa naturang kasunduan.
Sinabi ng kinatawan ng Department of Foreign Affairs na walang alam ang ahensya sa sinasabing kasunduan.
Dumalo sina Medialdea, Lorenzana at dating National security adviser Hermogenes Esperon sa pagdinig ng House committee on national defense and security at Special committee on the West Philippine Sea na pinamumunuan ni Mandaluyong City Rep. Neptali “Boyet” Gonzales II.
Ipinunto naman ni Gonzales na kung totoo na mayroong usapan si Gazmin at Ma, lumalabas umano na pinabayaan ito ng administrasyong Duterte kahit na nanalo na ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong Hulyo 12, 2016, o 12 araw matapos na umupo ang nakaraang administrasyon.
“The arbitral court declared that Ayungin was ours, that we have sovereign rights over that area. We could have done what we wanted to do there – in fact, we could do anything – but we did not,” sabi ni Gonzales.
Ayon naman kay Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, ng 1-RIDER Party-list ikinagulat nito na walang ginawa ang administrasyong Duterte sa kabila ng panalo ng Pilipinas sa arbitral court.
“Pero, hindi nila binago ang status quo,” sabi ni Gutierrez.
Sinabi ni Gutierrez na naghahanap ito sa internet at walang nakitang impormasyon kaugnay ng sinasabing kasunduan na pinasok ni Gazmin.
“My initial finding is that the commitment was not to build new structures,” sabi ng solon.
Dahil dito ang status quo policy umano ng administrasyong Duterte ay nakatayo sa “shaky foundation.”
Sinabi naman ni Medialdea na ang umano’y pangako ni Gazmin ay nalaman nito mula sa isang opisyal na hindi na nito maalala kung sino.
Ayon naman kay Lorenzana walang nasabi sa kanya si Gazmin kaugnay ng naturang kasunduan.
Sa kabila ng status quo policy ng administrasyong Duterte, sinabi ni Lorenzana na nagpadala ng materyales ang Philippine Navy upang i-repair ang BRP Sierra Madre upang maging komportable ang mga sundalo na nakatalaga roon.
“That’s when the Chinese Coast Guard started blasting us with their water cannons. They thought we were trying to strengthen BRP Sierra Madre,” sabi ni Lorenzana.
Para naman kay Rep. France Castro ng ACT Teachers Party-list ang pahayag nina Medialdea, Lorenzana at Esperon na walang gentleman’s agreement ay nagpapasinungaling sa sinasabi ng China.
Hiniing naman ni Castro sa komite na imbitahan si Gazmin upang marinig ang kanyang panig.
Inimbita rin ng komite ang dating spokesman ni Duterte na si Harry Roque na nagsabi na mayroog gentleman’s deal si Duterte at Chinese President Xi Jinping kaugnay ng resupply mission sa Ayungin Shoal.