Allan

Mga hamon sa bagong Deped secretary

July 5, 2024 Allan L. Encarnacion 649 views

OPISYAL nang magiging kalihim ng Departamento ng Edukasyon si Senador Sonny Angara sa petsang itinakdang epektibo ang pagbibitiw ni Vice President Sara Duterte—sa Hulyo 19.

Malaking karagdagan sa gabinete ni PBBM ang pagkakahirang kay Angara na by heart ay isang edukador bago pa naging pulitiko. Mapapalalim nito ang bench ng official family ni President Marcos dahil sabi nga, “hebigats” si Angara na first time hahawak ng Cabinet post.

Matagal ding pinag-isipan ni Sen. Sonny kung tatanggapin ang pagiging Deped secretary dahil hindi rin biro ang obligasyong nakaatang sa kanyang balikat.

Aminin man natin o hindi, malaki ang ibinagsak ng kalidad ng ating edukasyon magmula pa noong pumasok ang millenial year. Hindi naman imbento ang resulta ng mga survey at mga pag—aaral na mas mahina na ang mga naging graduates natin kung ikukumpara sa mga nagtapos sa mga nakaraang dekada.

Ang naging pokus ng pamahalaan noong una para palakasin ang kalidad ng edukasyon ay tutukan ang mga asignatura sa matematika at agham. Kaya nga kumonti ang mga subjects sa elementarya at sekondarya. Nawala ang Araling Panlipunan, ang mga Sining at Kultura, pati na ang Palakasan.

Kaya nga nagising na lang tayo isang umaga, ang dating Department of Education, Culture and Sports o DECS ay naging Deped na lang. Ang katwiran ng mga nagsulong nito ay hindi naman daw kailangan ang pag-aaral sa kultura at lalong hindi na dapat isama pa ang sining at palakasan.

Hindi nila nakita ang importansiya ng sining, kultura at palakasan gayong ang pagtuklas ng kabuuan ng isang tao ay nakabatay sa sinasabi sa Ingles na “well rounded personality development.”Katulad din ng mga math subjects na sinasabing hindi naman kailangan sa Arts courses subalit kung titingnan mabuti, nagbibigay rin ito ng tulong para magkaroon ng “analytical thinking” sa mga estudyante kahit pa sabihin nating “bobo kami sa matematika.”

Maging ang sining gaya ng mga musika, pagsasayaw, sabayang-bigkas, pagkatha, paggunit or pagpinta, drama at komedya na ating inalis ay nagbibigay ng malaking papel sa pagtuklas ng talento ng ating mga mag-aaral. Bukod pa siyempre ang human relations at socialization na napagyayaman nito. Mas lalo nating inilubog sa paggamit ng mga gadgets ang ating mga mag-aaral dahil inalis natin ang mga asignaturang posibleng pumukaw ng kanilang interest.

Lalo na ang pag-aaral sa kultura na dapat pinanatili ay nagbibigay sa kamalayan sa mga mag-aaral kung bakit at gaano kahalaga ito sa kanilang kabuuan. Dito papasok ang kaisipang patriotismo at magbubukas sa kaisipan sa importansiya ng kanilang pinagmulan, kung ano sila noon at ano na sila ngayon.

Alam ni incoming Deped Secretary Angara na malaki ang hamon ng sektor ng edukasyon hindi lang sa mga tinukoy kong problemang hindi nakikita subalit nadarama. Idagdag mo pa ang mga pisikal na suliranin sa kakulangan ng silid-aralan, kakulangan ng mga libro, kawalan ng kuryente, tubig sa ibang liblib na lugar, kakulangan ng guro, kahinaan ng internet connection, mga walang maayos na palikuran at marami pang iba na posibleng magpasakit sa ulo ng bagong kalihim sa hinaharap.

Pero sabi nga, kailangang may tumayo para maging bahagi ng solusyon sa mga problemang ito. Hindi man malutas ni Sec Angara ang lahat ng mga nakalatag ng problema sa apat na taon niya sa departamento, naniniwala akong may magagawa siya para tulungan ang bansa na makaahon sa mga kumunoy na ito na dinatnan na ng nagsalin-salin at nagpalit-palit na administrasyon.

Sa pagtanggap ni Angara sa posisyong ito, kailangan natin siyang tulungan dahil hindi madali ang kanyang magiging trabaho. Propesyunal na tao si Angara at kakilala natin siya kung paano humarap sa maraming hamon na dumating sa kanyang buhay.

Ang sinasabi ni Angara na magiging malawak ang kanyang koordinasyon sa mga ahensiya ng pamahalaan, lalo na sa mga programa ni Pangulong Marcos para sa mga estudyante,ay isang senyales na tumatahak tayo sa tamang daan patungo sa progresibong pag-unlad ng sektor ng edukasyon.

[email protected]