Default Thumbnail

Mga banyong gawa ng walang sintido-kumon sa QC circle

August 23, 2023 Allan L. Encarnacion 376 views

Allan EncarnacionANG sukatan ko ng linis na mga banyo ay kapag puwede kang magkape at kumain sa loob kahit anong oras. Iyong wala kang maaamoy at wala kang makikitang bakas ng kahit anong dungis.

Ganoon ang mga banyo namin sa bahay, kung mayroon akong gustong pinakaunang malinis sa aming tahanan, iyon ay ang mga toilet.

Kahit sa mga restaurant, tuwang-tuwa ako sa mga banyo na napakilinis, iyon nga lang, may mga gumagamit din na mga salaulang customers!

Kaya kapag napasok ako ng banyo na parang impiyerno, ang una kong pinagbibintangang gumamit bago ako ay si Satanas!

Speaking of banyo, nakatawag pansin sa atin na under rehabilitation at may mga under construction pala ng mga toilet sa pinakamalaking parke sa Quezon City, ang Quezon Memorial Circle.

It’s high time na talagang dapat ay maayos ang mga banyo sa circle kaya pinasasalamatan ng maraming joggers, marathoners at mga zumba addict si Mayor Joy Belmonte sa kanyang proyektong ito.

Mahigit isang dekada nang nagtitiis ang mga circle goers sa mga banyo na ginawa ata ng mga walang isip na kontraktor. In fairnes, dinatnan na ng present circle administration at ni Mayor Joy ang miserableng kondisyon ng mga banyo doon.

Una, palaging naglalawa ang mga floor ng banyo dahil sablay ang drainer at mali ang floor slope. Pangalawa, may mga maliit na floor area toilet pero dinamihan ang cubicle. May mga cubicle pa nga na dapat nakatigilid ka uupo or kailangang squat ka lang kasi hindi kasya sa normal na galaw ng tao.

May mga cubicle din na pag umupo ka, kahalikan mo ang pintuan! Alam na alam mong gawa ng walang sintido-kumon na tao!

Pangatlo, karamihan sa mga toilet flush ay hindi na gumagana. Medyo tolerable ito kasi baka ang gumagamit ang nakakasira at mga walang pakialam sa gamit ng pamahalaan. Ang nakakainis, lahat ng pintuan ay sira at walang matinong flooring kahit saang banyo ka mapunta sa circle.

Ang suhestiyon natin kay Mayor Joy, hanapin ang dating kontraktor na gumawa ng mga banyo sa circle para makasuhan nila ang mga ito. Ano kayang kaso? Working without common sense?

Dapat life ang hatol! Just kidding pero talagang nakakabanas sila!

Sobrang nakakahiya ang mga toilet doon kaya maraming natutuwa at finally ay maayos na ang mga banyo na mahabang panahon nang pinagtitiisan ng mga kababayan nating namamasyal sa circle.

Mabuti nga, ngayong panahon ni Mayor Joy ay pinatanggal na rin ang bayad sa mga toilet. Noong mga nakaraang panahon, magbahayad ka ng limang piso para makagamit sa banyo sa circle.

Bulok na nga, may bayad pa!

Ang totoo, hindi lang banyo, marami nang pasilidad sa circle ang miserable na ang kondisyon kaya kailangan na rin talagang mag-imbentaryo ni Mayor Joy para mapagawa niya ang mga ito.

Napakaganda kayang lokasyon ng circle dahil accessible kahit saan ka manggaling.

Kung magagawa lang ng QC government sa circle ang parang Botanical Garden ng Singapore na world class attraction ngayon, makakatulong ito sa turismo ng bansa. Marami pang idle area ang circle na puwedeng malagyan ng mga bagong atraksiyon.

Pero habang hindi ito nagagawa, masaya na kaming mga taga-Kyusi sa pagsasaayos ng mga toilets.

Salamat Mayor Joy!

[email protected]