Allan

Mga amok sa social media

March 24, 2025 Allan L. Encarnacion 188 views

PALAGI nating sinasabi na walang absolute freedom sa kahit anong aspeto ng ating buhay.

Malaya kang makakalabas, makakain sa mga lugar na gusto mo na kaya mo pero hindi ka puwedeng magtaob ng lamesa ng lahat ng daraanan mo.

Ganoon rin sa ating mga pagsasalita at pagsusulat, lahat ng gusto mo, lahat ng maisip mo ay puwede mong ibulalas subalit palaging naroon ang iyong limitasyon.

Hindi pagsikil sa iyong freedom of speech ang paglimita sa iyong mga puwedeng sabihin. Katulad din yan ng kalayaan mong humawak ng kutsilyo kapag nasa kusina ka.

Lahat ng rekado ay malaya mong magagayat, lahat ng karne ay mahihiwa mo pero ang limitasyon mo ay huwag kang manghihiwa ng leeg ng tao.

Ganyan din ang kalayaan natin sa mga social media na palagi nating sinasabi. Tama ka” your wall is your rule” basta huwag kang lalagpas sa sarili mong bakuran.

Sabihin mo na ang gustong mong sabihin, isigaw mo sa buong mundo ang iyong galit. Pero iba iyong nang-aakusa ka, iba iyong nambibintang ka, iba rin iyong naglalabas ka ng mga maling impormasyon na nagdudulot ng kaguluhan.

Kailangan mo ring maging responsable, kailangan mo ring rumespeto sa iyong kapwa at sa iyong komunidad. Ang kaibahan kasi ng mga nasa news industry kung ikukumpara sa nasa social media ay malayo sila sa isa’t isa.

Kahit hawig sila bilang publikasyon, bilang paglalathala, ang kaibahan nila ay ang responsibilidad. Bagama’t may mga nasa mainstream din naman ang kung tawagin ay “loose canon” o walang pagpapahalaga sa katotohanan at respeto sa kapwa; mabibilang mo lang ito sa daliri.

Mas marami pa rin ang matino at mas marami pa rin ang maingat. Hindi kami basta puwedeng maglabas ng mga mga bagay na walang batayan, lalo na kung akusasyon sa isang tao. Ang aming editor ay last line of defense sa aming mga isusulat, sila iyong magdedetermina kung lagpas ka o hindi sa pamantayan.

Pero higit sa kanino man, may tinawag na “inward responsibility”—iyong ikaw mismo at ikaw muna bilang writer ang first line of defense. Kami muna ang sasala kasi kami ang susulat kaya dapat ang napili na namin ay mga tamang salita, tamang impormasyon at mga tamang detalye bukod pa sa intensiyong makapag-imporma sa publiko o makapagbigay ng opinion sa mga isyung pambayan.

Aminin man natin o hindi, ang social media ay tambakan din ng “basura” dahil nga para siyang headless chicken na tumatakbo sa kalsada. Iyong mga nagpapakalat ng fake news at kung anu-anong kabalbalan sa socmed ay kailanman, hindi puwedeng ikategorya bilang mga journalist.

May mga “nag-aamok” sa socmed na walang pakialam kahit mali ang sinasabi at mali ang impormasyon pero patuloy na nakapagparami ng kanilang mga followers. Iyon nga ang malungkot, ang akala kasi ng iba, kapag nakapaglalathala ka ng letra, marunong ka nang sumulat at bumasa.

May mas mataas pang sukatan dyan sa able to read and write, iyong ability to think at ability to differentiate o timbangin ang mga tama at mali.

Kaya nga sa susunod na magpo-post kayo sa inyong mga wala, isipin nyo muna bago kayo magpakawala ng kung anung-anong bagay na makakaapekto sa ating kapwa at sa ating bansa.

Puwede ka rin namang maging matinong vlogger or content creator o opinion maker sa social media basta lang gumamit ka ng mga matinong pamantayang na wala kang niyuyurakang pagkatao at hindi ka nagpapakalat ng mga balitang walang katotohanan, lalo na kung pagmumulan ng gulo sa ating bayan.

[email protected]