Abalos

Mga ahensiya ng gobyerno handa na sa Semana Santa 2023

March 29, 2023 Jun I. Legaspi 2452 views

NAKAHANDA ang Department of the Interior and Local Government (DILG) katuwang ang Philippine National Police (PNP), at Bureau of Fire Protection (BFP) at mga lokal na pamahalaan na patuloy na pangalagaan at protektahan ang publiko sa mahalagang panahon ng paggunita sa Semana Santa 2023.

Sa inaasahang pagdagsa ng libo-libong mga tao sa kanilang mga probinsya, inatasan ang PNP, BFP, at mga local government units (LGUs) na manatiling naka-alerto para matiyak na magiging mapayapa, maayos, at ligtas ang obserbasyon ng Semana Santa sa buong bansa, ayon kay DILG Secretary Benhur Abalos Jr.

“Sa pangunguna ng PNP ay paiigtingin natin ang police visibility sa buong bansa, lalong-lalo na sa mga identified areas of convergence tulad ng malalaking simbahan, pilgrim sites, terminal, pantalahan, at paliparan pati na rin sa mga mall at iba pang pasyalan upang matiyak na mababantayan at mapananatili ang kaligtasan ng publiko. Binigyan din natin ng direktiba ang PNP na makipag-ugnayan sa mga lokal na opisyal sa pagmomonitor at paglalagay ng checkpoint sa mga lugar na itinuturing na ‘hotspot’ kung saan mataas ang political violence,” pahayag ng kalihim.

Nakahanda rin ang BFP na magbigay ng tulong sa mga biyahero sa panahon ng emergency tulad ng sunog. Pinaalalahanan din ang mga biyahero na siguraduhing walang nakasaksak na appliance bago umalis ng bahay upang makaiwas sa sunog.

Nagbigay rin ng direktiba ang DILG sa mga LGUs na makipag-ugnayan sa local traffic enforcers, barangay tanod, Local Peace and Order Councils (POCs), mga volunteer, at iba pang force multiplier sa pagpaplano at paghahanda para sa pagdagsa ng tao sa sa kanilang mga lokalidad.

“Makakaasa ang publiko na handa ang DILG kasama ang PNP, BFP, at LGUs na protektahan ang mga Pilipino sa panahon ng Semana Santa,” ani Abalos.

“Kaisa n’yo po kami sa paggunita sa Semana Santa at sa panalangin para sa patuloy na kaligtasan at kaginhawahan para sa ating bansa.

Isabuhay nawa natin ang diwa ng banal na panahong ito sa pamamagitan ng pagkakaisa at pagmamalasakit sa kapwa,” pagtatapos ng kalihim.

AUTHOR PROFILE