Paul Gutierez

Media Welfare Act mapansin kaya ni SP Chiz?

May 30, 2024 Paul M. Gutierrez 326 views

“MASAYA” na “malungkot” tayo na pinirmahan na ni Pangulong Bongbong Marcos bilang isang ganap na batas ang “Eddie Garcia Law” na naglalayon na magpapalakas sa proteksyon, karapatan at kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.

“Masaya” tayo dahil ganap na ngang batas ang ‘Eddie Garcia Bill’ na alam nating malaking tulong sa mga nasa ‘movie/entertainment industry.’ Batid natin ang kahalagahan ng batas ito para sa maliliit na manggagawa sa industriya, na walang sapat na mga benepisyo at proteksyon, sa kabila ng mga panganib at hirap na kinakaharap sa kanilang trabaho.

Habang marami ang nagalak sa pagsasabatas ng Eddie Garcia Law, patuloy naman na nag-aantay at umaasam ang industriya ng media na maisabatas din ang kaparehong panukala para naman sa kapakanan ng mga mamamahayag. At ito ang dahilan kung bakit tayo “malungkot.”

Dangan nga kasi, “magkasabay” na tinalakay ng Senate Labor Committee ni Sen. Jinggoy Estrada ang Eddie Garcia Bill at ang Media Workers Welfare Act. Ano ang nangyari bakit naiwan sa “gabukan” ang MWWA, hindi natin maintindihan.

Bilang executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), matagal nang isinusulong ng inyong lingkod, kahit noong panahon na tayo pa ang pangulo ng National Press Club (NPC), ang asam na magkaroon ng katuparan na magkaroon ng batas para sa kapakanan ng mga mamamahayag.

Ilang liderato na nang Senado ang dumaan, pero masakit na katotohanan na tila hindi ito nabibigyang prayoridad, bukod pa sa katotohanan na aprubado na ang House Bill 454 sa mababang Kapulungan ng Kongreso, na naglalayong matiyak ang karapatan at mabigyan ng economic benefits sa propesyon ng media.

Layon din ng bersyon HB 454 na magkaroon ng mas ligtas na environment sa mga kagawad ng media sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Mismong si Camarines Sur Rep. LRay Villafurte ay makailang-ulit nang nanawagan sa Senado na tulungan si PBBM na maisakatuparan ang kanyang mithiin na maisulong ang batas para sa kapakanan ng Filipino journalists. Si Villafuerte ang author ng HB 304 na nai-consolidate sa HB 454.

Bilang “perennial darling of the press,” gusto nating maniwala na sa ilalim ng bagong liderato ng Senado sa katauhan ni ‘SP’ Francis ‘Chiz’ Escudero, may “pag-asa” nang maisasabatas ang MMWA.

Matagal din tayong nag-cover sa Senado at sa pagkakilala natin kay SP Chiz, malapit din sa puso niya ang media kaya tiwala tayo na mahihikayat niya ang kanyang mga kasamahan na maisabatas na ang panukalang ito na nakatakdang umani rin ng papuri mula sa international community. Oh yes, SP Chiz, ang MWWA ay isa sa mga batas para sa midya na “binabantayan” ng mga international media watchdogs.

Gusto rin nating ipakilala sa ating mga senador na sa ika-50 anibersaryo ng FOCAP (Foreign Correspondents Association of the Philippines) noong Abril 15, tiniyak nito ang proteksyon ng gobyerno para sa mga mamamahayag. At kapag sinabing “gobyerno” mga kabayan, kasama dito ang Senado at Kongreso, hane?

Gusto rin nating maniwala na ang tinuran ni PBBM ay magsisilbing inspirasyon at hamon sa ating mga senador na bigyang katuparan ang MWWA.

Hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na lubhang mapanganib ang trabaho ng media na karaniwang nagkokober sa mga sakuna, kalamidad, krimen at mga katulad na panganib. Kaya naniniwala tayo na marapat lamang na mabigyan ng dagdag benepisyo ang kanilang hanay.

Abangan!

AUTHOR PROFILE