Solidum

Mayor Honey, pinangunahan ang pamamahagi ng tulong pinansiyal

July 9, 2022 People's Tonight 220 views

IPINAMAHAGI na ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila ang tulong pinansiyal sa mahigit 600 mga benepisyaryo ng Educational Assistance Program, Huwebes ng hapon sa San Andres Sports Complex.

Pinangunahan mismo ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan, kasama si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Ma. Asuncion “Re” Fugoso ang pamamahagi ng kabuuang P3,370,000 sa 674 na benepisyaryo na nagmula sa una, ika-apat, at ika-anim na distrito ng Lungsod ng Maynila.

Tiniyak ng alkalde sa mga dumalo sa naturang pamamahagi ng tulong pinansiyal na patuloy na gagawa ng mga paraan ang lokal na pamahalaan upang makatulong sa mga pamilya na mapagtapos ng pag-aaral ang kanilang mga anak

“Makakaasa po kayo na ang pamahalaang Lungsod ng Maynila ay gagawin at mag-iisip ng mga paraan para lalong maibsan ang napakabigat na suliranin, dahil hanggang ngayon ay nasa ilalim pa rin po tayo ng state of health emergency,” pahayag ng alkalde.

Sinabi pa ng alkalde na ito ay una pa lamang sa apat na batches na gagawing pamamahagi ng tulong pinansiyal para sa mahigit 2,000 benepsiyaryo sa lungsod ng Maynila na umaasang mapagkakalooban ng kaukulang ayuda.

AUTHOR PROFILE