
Mayor Honey, nagpasalamat sa Rotary Club of Manila Bay
Sa pagsuporta sa Home for the Aged
NAGPAABOT ng pasasalamat si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa Rotary Club of Manila Bay nang ipagkaloob na sa lokal na pamahalaan ang ipinagawa nilang dalawang bagong istraktura sa Luwalhati ng Maynila Home for the Aged sa loob ng Manila Boystown Complex sa Parang, Marikina City.
Ang pagkakaloob ng House 3, Bahay Dalampasigan at House 4 Bahay Philracom, dalawa sa limang programang pang-istraktura sa Luwalhati ng Maynila Home for the Aged na ipinagawa ng Rotary Club of Manila Bay, ay inanunsyo ng alkalde sa kanyang programang “The Capital Report” na live na napanood Biyernes ng hapon sa opisyal na Facebook page ng Manila City Hall.
“Dahil po may kalumaan na ang kanilang tinitirhan sa Boystown, mayroon po tayong naging katuwang, ang Rotary Club of Manila Bay, ang presidente ay si William Yu. Sila po ang nag-sponsor na makapagpatayo tayo ng bagong mga buildings para sa Lualhati ng Maynila,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.
“Maraming-maraming salamat po, mga Anghel kayo sa langit dahil kahit papaano kayo ang partner namin na mabigyan ng panibagong tahanan ang atin pong mga lolo’t lola, nanay at tatay, huwag po kayong mag-alala, kami na po ang mag-aalaga sa kanila,” dagdag pa niya.
Binanggit din ng alkalde sa kanyang ulat ang ilang mga proyektong pang-imprastraktura na pinasimulan nila ni dating Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, tulad ng Dr. Albert Elementary School na 57.03% ng kumpleto; Rosauro Almario Elementary School, 75%; Manila Science High School, 72,80%; at Ramon Magsaysay High School na huli ng napasimulan at nasa 2.1% pa lamang dahil ginamit ito noong nakalipas na pambansang halalan.
“Pero ang sabi po nila, at early part of 2024, matatapos na rin naman po ang Ramon Magsaysay High School,” sabi pa ni Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Sa mga proyekto namang pabahay, binanggit ng alkalde na apat na in-city vertical housing project na ang kasalukuyang natitirhan ng mga benepisyaryo, kabilang na rito ang Tondominium I at II, Basecommunity at ang Binondominium I habang ang San Sebastian Residences ay nasa 41.33% ng kumpleto, ang Pedro Gil Residences ay nasa 31,99% at ang San Lazaro Residences ay 33.72% na.
“Again, hopefully, by early part of 2024 or later part of 2023 ay ready for occupancy na itong mga in-city vertical housing natin,” dagdag pa ng alkalde.
Ipinahiwatig din ng alkalde na sa mga susunod na araw o linggo ay babasbasan at pasisinayahan na rin ang apat na palapag na gusali ng Manila Council Scouting Center ng Boy Scout of the Philippines (BSP) na ngayon ay 100% ng kumpleto.
“Ang Bagong Ospital ng Maynila, pati na ang Corazon Aquino Hospital sa Baseco ay pareho na rin pong natapos at hinihintay na lang po namin ang license to operate na ibibigay ng Department of Health (DOH) at bubuksan na po natin ito sa ating mga kababayan at mga karating bayan,” pahayag pa ng alkalde.