
Mayor Honey naghatid ng tulong, pag-asa sa nasunugan
NAGHATID ng tulong pinansiyal at mga pangunahing pangangailangan ang Manila Department of Social Welfare (MDSW) ng Maynila sa mga pamilyang nasunugan noong Huwebes.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang pag-asang dala ng bawat tulong na naipagkakaloob patunay ng malasakit ng pamahalaan sa bawat pamilyang nangangailangan sa oras ng sakuna.
Nanawagan ang alkalde sa pamahalaang nasyunal ng pang-matagalang tulong upang mapaigting ng lokal na pamahalaan ang pagtugon sa mga sakuna para mabawasan at mapagaan ang panganib
Kabilang sa hihilingin ng alkalde ang malaking multi-purpose, multi-storey evacuation center sa Port Area na madalas magkaroon ng sunog tulad ng nangyari noong Huwebes na nagresulta sa pagkawala ng tirahan ng may 1,165 pamilya.
Sa kasalukuyan may mga naka-deploy ng mga kawani ng Manila City Hall sa Port Area at sa Tondo para hatiran ng tulong ang mga nasunugan na pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center sa iba’t-ibang lugar.
“Dati ko nang nasabi na hindi ako mag-aatubiling humingi ng tulong basta para sa mga Manileño.
Kaya dumudulog tayo ngayon sa Malacañang, DSWD, DHSUD at DPWH para sa mga imprastrukturang kailangan ng Maynila,” sabi ni Lacuna.
Kabilang sa hirit ng alkalde ang dalawang evacuation centers para sa Port Area at Tondo dahil ayaw aniya niyang lagi na lang gambalain ang mga paaralan lalu’t matindi ang epekto ng maraming araw ng walang pasok sa mga paaralan kapag okupado ng evacuees ang mga silid-paaralan.
“Buildable space ang problema namin dito sa Maynila dahil masikip at maliliit ang mga espasyo. Problema rin ang mga sunog malapit sa LRT stations.
Kailangan ng buffer zone sa paligid ng ilang LRT stations — ibig sabihin, para sa kaligtasan ng lahat, ililipat ang mga poste ng telcos at kuryente o mas mabuti pa, gagawing underground na ang mga poste,” pahayag ng alkalde.