
Mayor Honey, nagbigay-pugay sa nakatuwang sa ‘Araw ng Maynila’
Selebrasyon, naging matagumpay
NAGPAABOT ng pasasalamat si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa lahat ng mga naging bahagi ng matagumpay na isang buwang pagdiriwang ng “Araw ng Maynila.”
Sa kanyang talumpati sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas tuwing araw ng Lunes na ginanap sa Kartilya ng Katipunan, isa-isang pinasalamatan ng alkalde ang kanyang mga naging katuwang sa mga kaganapang isinagawa upang aniya ay maging masaya, maayos at maningning ang pagdiriwang ng Araw ng Maynila.
“Uunahin ko na po, of course, ang lahat ng bumubuo ng Konseho ng Maynila sa pamumno ng aking partner, Vice Mayor Yul Servo Nieto, sa atin pong anim na Congressman na nagre-represent ng anim na distrito ng Maynila, sa lahat po ng iba’t-ibang departamento ng ating pamahalaang lungsod, sa lahat ng paaralan na naging bahagi, lalong-lalo na sa atin pong The Manila Film Festival at ang atin pong ginanap na parada noong Sabado,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.
Nagpaabot din ng pasasalamat ang alkalde sa mga pribadong sektor na tumulong upang maging matagumpay ang pagdiriwang kaya’t marami aniyang mga kaganapan ang naisakatuparan ng hindi halos gumamit ng pondo ang lokal na pamahalaan.
“Nagsimula po sa The Manila Film Festival, sa ating Rampa Manila, sa atin pong socio-civic parade, sa Miss Manila, lahat po yan, walang ginastos ang ating pamahalaang lungsod,” sabi pa ng alkalde.
Muli ring nagpaabot ng pagbati si Mayor Lacuna-Pangan sa lahat ng mga kawani na naparangalan sa kanilang napakatagal na paglilingkod at muli niyang ipinaalala na wala aniyang imposible kung ang lahat ay nagtulong-tulong.
Hindi rin kinaligtaan ng alkalde ang pagpapaabot ng pasasalamat sa pamunuan ng Manila Police District (MPD), Manila Bureau of Fire Protection (BFP), Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), at Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) na aniya ay silang nagtagpi-tagpi sa mga kaganapan sa buong buwan ng pagdiriwang.