
Mayor Honey: Mga gamit pangalagaan
NAGPAALALA si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan na pangalagaan ang mga gamit na ipinagkaloob sa bawa’t tanggapan ng lokal na pamahalaan.
Inihayag ng alkalde ang kanyang panawagan sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas na isinasagawa tuwing Lunes ng umaga sa Kartilya ng Katipunan kung saan tumayo bilang tagapagtaguyod ang tanggapan ng City General Services Office (CGSO).
”Hindi po biro ang gingugol nating pondo para sa mga ito kaya nakikiusap po kami na alagaan po natin lahat ng ating mga kagamitan,” pahayag ni Mayor Honey.
Binanggit ng alkalde ang sinabi ni CGSO head Thelma Perez na ang mga gagamitin ngayong dekorasyon at mga palamuti na tradisyunal na isinasakatuparan sa tuwing darating ang Kapaskuhan ay mga “recycled” o yung ginamit na noong nakaraang taon at uulitin na lamang muli.
“Pero hindi naman yun ang tunay na diwa ng Pasko di ba? Kahit naman sa inyong mga tahanan, inuulit naman natin ang lahat ng mga dekorasyon, mano ba namang makatulong man lang ito sa pagtitipid ng ating lungsod dahil mas marami pa po tayong paggagamitan ng ating pondo na mas kinakailangan,” paliwanag ng alkalde.
”Ito po ang lagi ninyong tatandaan, ang Pasko sa Maynila, may kalinga, may ginhawa, at may saya,” dugtong pa ng lokal na punong ehekutibo.
Nauna ng sinabi ni Director. Perez bago niya ipakilala ang alkalde sa regular na pagpupugay ng watawat na ginawaran ang lungsod ng Maynila ng bronze award sa GSIS Seal of Protection na bagama’t tanso lamang ay maipagmamalaki na rin nila dahil sa kauna-unahang pagkakataon ay updated at on time ang pagbabayad ng mga ari-arian ng lungsod, pati na ang lahat ng mga behikulo.
“But we will go for the gold po, we will do our best para ito po ay maging gold,” pagtiyak pa ni Director Perez.