Default Thumbnail

MAY UMI-SPIN PARA SIRAAN SI SENADOR CYNTHIA VILLAR

April 22, 2023 Marlon Purification 328 views

Marlon PurificationVIRAL sa social media ang isang video kung saan makikitang pinagagalitan ni Senadora Cynthia Villar ang ilang security guard at boss ng mga ito nang lagyan ng ‘barriers’ o harang ang isang bahagi ng kalsada sa Las Pinas City.

Ang anim na minuto at 32 segundo na haba ng video ay ini-up sa Facebook ng isang JC DELA CRUZ WORLD.

Umani ito ng negative at positive comments, pati reactions para sa beteranong mambabatas.

Sa naturang video ay makikita ang galit na senadorang pinagagalitan at pinatatanggal ang harang sa kalsada.

“Tanggalin mo! Tanggalin mo! Umalis ka diyan, umalis ka! Alam mo ako, ako ang nagtanggal ng lahat ng squatter dito. Hindi nga ito mapakinabangan eh, ngayon ikaw ang masusunod,” nanggagalaiting tinuran ni Villar.

“Huwag n’yo po silang sasaktan Ma’am. Huwag n’yo po silang sasaktan!,” Tinig naman ng isang lalaki sa video.

Paulit-ulit nating pinanood ang video.

Wala akong nakitang sinasaktan si Senadora Villar ang sinumang tao na nasa video.

Ang nakita natin ay ang galit ng senadora na may halong frustration, lalo nang sabihing siya ang nagtanggal sa mga ‘informal settlers’ tapos ngayon ay hindi mapakinabangan ng taumbayan dahil sa hinarangan ng isang pribadong grupo.

Lalo tayong napaisip nang may magsalitang ‘Huwag n’yo po silang sasaktan Ma’am. Huwag n’yo po silang sasaktan!”

Dahil ang totoo ay wala sa video na sınasaktan ni Senadora Villar ang sinumang guwardiya na sangkot sa naturang video.

Si Senator Villar po ay 72 years old na!

Hindi ko alam paano pa makuhang makapanakit ng pisikal ang isang senior citizen na babaing katulad ni Villar.

Ang tingin ko rito ay pilit inaangguluhan ng lalaking nagsasalita na ‘Huwag n’yo po silang sasaktan Ma’am,’ upang palabasin na nananakit si Villar.

Sa ilang ulat sa social media naman ay halos garapal ang pagkaka-spin sa kanya.

Parang pinalilitaw na isang halimaw ang senadora, gayung hindi nililinaw sa video kung bakit ba nagalit si Villar at kung bakit niya pilit pinatatanggal ang mga barriers na harang sa naturang kalsada.

Kung tama ang ilang netizens, ang pangyayari sa naturang video ay naganap malapit sa Zapote River Drive na mismong si Senator Villar pa ang nag-inagurate noong talong 2021.

Isinusulat ko ito’y wala pang opisyal na pahayag ang tanggapan ni Villar.

Maliban sa ulat ng GMA 7 24-Oras kung saan ay itinanggi niyang may ginawa siyang masama sa naturang video.

“Yung aking lugar na ‘yun, puno ‘yung ng squatter. Nilinis ko tapos tinayuan ko ng composting facility at vermicomposting facility,” ani Villar sa panayam ng GMA 7.“

‘Di ko malaman bakit nila sinasarhan. That’s for the people. We are not doing anything bad. Wala sa akin ‘yun,” wika pa niya.

Sa tinurang ito ni Villar, lalo tayong napaisip kung ano ba talaga ang puno’t dulo ng naturang ‘argumento?’

Uulitin ko, 72 years old na po si Villar para manakit ng tao.

Alam nating lahat na marami siyang bodyguards at kung talagang gustong manakit ni Villar ay isang utos lang niya sa kanyang tauhan ay madali niyang gawin ito.

Pero hindi po iyon ginawa ng senadora.

Ang nakita natin sa video ay imahe ng isang nagagalit na nanay na pinagagalitan ang kanyang mga anak na alam niyang may ginawang hindi tama!

Mas magiging responsable siguro ang ilang social media na nagpapakalat nito kung ipaalam na ang naturang lugar ba ay pribado at hindi talaga dapat ipagamit sa taumbayan?

Baka kasi iyong ilang grupo lang ay may iba nang pakay para siraan si Senadora Villar.

Dahil kahit sa comment ng netizens, mas marami ang sumusuporta kay Villar.

Sabi ng isang netizen: “Go, go Senadora…Good job!”

Isang netizen pa ang nagsabi na: “Tama iyan Senator Villar. Ipagtanggol po ang kapakanan ng taumbayan!”