Default Thumbnail

May silbi ba ang Insurane Commission?

July 28, 2023 Allan L. Encarnacion 438 views

Allan EncarnacionSANGKATUTAK na ang insurance ko mula sa sasakyan, health hanggang sa buhay!

Marami sa mga insurance ko ay halos hindi ko na maalala kung kailan ko kinuha or kung kanino ko nakuha. Ang sigurado ko lang, lahat ay unsolicited o mga inalok, mga pinilit at pinadala lang sa akin ng mga kaibigan at kakilala. Baka 100% sa mga ito ay hindi ko kusang hinanap o hindi personal kinuha.

Hindi ko alam, nag-trauma ako sa CAP or College Assurance Plan na sinuba kami matapos makabayad in full. Maliit pa ang dalawang anak kong sina Bryan Allan at Deivid Allan nang kunan namin sila ng CAP.

Inihahanda mo sana iyon para kapag nag-aral na sila sa kolehiyo ay may magmamatrikula sa kanila. Baon at mga gamit na lang sana ang poproblemahin mo. Hayun, wala kaming nakubra at wala kaming napakinabangan kahit singkong yupi.

Nagtapos sa Letran si Bryan sa Intramuros, Manila at si Deivid naman ay sa Ateneo de Manila nang wala kahit singkong partisipasyon ang CAP. 33 years old na si Bryan, 23 years old na si Deivid.

May isang anak na si Bryan, working na si Deiv pero wala pa ring balita kung makukulong ang mga taga-CAP!

Doon siguro nagsimula ang stigma ko laban sa anumang insurance kaya wala akong katiwa-tiwala sa kanila. Lagpak ang grado ng Insurance Commission (IC) pag dating sa pagkastigo sa mga insurer na hindi nakakatupad sa kanilang mga pananagutan.

Kaya mula noon, ang ginawa kong insurance ay ang sarili ko. Wala pa ring tatalo sa “personal insurance”, meaning ikaw mismo ang humawak ng pera mo para kapag kailangan mo, huhugot ka lang sa sarili mong baul!

Isipin nyo, kapag nagso-solicit sa inyo ng insurance, parang mga santo na may krusipiho pa sa dibdib. Sobrang tamis ng ngiti, halos nilalanggam ang labi. Minsan kahit anong dokumento lang okey na sa kanila. Magbabayad ka ngayon ng iyong premium ng kung ilang taon at talagang religiuosly ay hahabulin mo ang deadline para makabayad.

Pero subukan mo kapag ikaw na ang mangangailangan ng serbisyo nila, hahapin sa iyo mula sa cedula ng lolo mo hanggang sa birth certificate ni Jose Rizal! Pahihirapan ka nang husto hanggang mabuwisit ka na rin at hindi mo na kunin ang benepisyo mula sa kanila.

Sa totoo lang, hindi ko na alam kung anu-ano ang mga insurance na mayroon at kung magkano na ang nagastos ko sa kanilang lahat dahil nga wala sa puso ko ang pagkuha sa kanila.

Hangga’t walang ginagawa ang IC na kukumbinsi sa atin na episyente at maaasahan ang insurance dito sa atin, mahihirapang makumbinsi ang mga tulad ko na pumatol sa kanilang mga alok na magagandang package.

Kung katulad sana sa Amerika na ang insurance ang nagpapatakbo sa buhay ng bawat mamamayan at institusyon nila, baka malaking industriya na rin ang insurance business dito sa atin. Hindi ko alam kung aabot tayo sa ganoong estado!

Iyong isang kaibigan ko, may payable sa kanya ang insurance ng P9 million na hinulugan niya sa mahabang panahon bago nag-mature noong nakaraang taong 2022. Hanggang ngayon, hindi siya makakubra dahil ang sabi sa kanya ng insurer niya, may backlog pa sila kaya 2016 pa lang ang nababayaran! Hayup, sarap murahin di ba? Full tank ina nyo!

Pumapayag na ang kaibigan ko na magbigay ng for the boys na P500,000 mabayaran lang siya ng insurance. Tanong, paano mo ilalapit sa IC ang ganitong kaso kung wala ka rin namang maasahan sa kanila?

Kailan kaya magkakaroon ng silbi ang IC para naman maramdaman nating mga mamamayan na protektado tayo laban sa mga insurance company na puwedeng magdeposito pero bawal kumuha ng benepisyo?

[email protected]