Default Thumbnail

MAY PEKENG MEDICAL CLINIC SA FONTANA

August 17, 2023 Marlon Purification 198 views

Marlon PurificationDAPAT magkaroon ng agarang imbestigasyon ang mga kaibigan natin sa Department of Health (DoH) dahil isang medical clinic na walang lisensiya ang nago-operate ngayon sa bisinidad ng Fontana, Clark, Pampanga.

Masyadong mapanganib ang clinic na ito na dahil hindi natin alam kung maging ang mga doktor, nurse at medical staffs na nagtatrabaho rito ay may kaukulang lisensiya ba mula sa Professional Regulations Commission (PRC) ng pamahalaan.

Ayon sa source, kahit noong panahon pa ng pandemic ay nago-operate na ang naturang clinic.

Sa laki ng problema noong kasagsagan ng Covid-19, natural nang hindi mapansin ng pamahalaan ang pagsulputan ng ilang clinic sa iba’t ibang panig ng bansa.

Pero ngayong nagbabalik normal, dapat ay magkaroon din ng masinsinang monitoring ang pamahalaan.

Sinabi ng ating source na ang karamihan umanong parokyano ng pekeng clinic sa Fontana ay mga Chinese na ang ilan ay nagtatrabaho sa POGO.

Paminsan-minsan ay tumatanggap din sila ng mga parokyanong Koreano.

Ang mga doktor at mga medical staffs dito ay mga Chinese nationals din.

Pangit sabihin na dahil mukhang ‘exclusive clinic’ lamang ito sa mga banyaga ay hindi na dapat makialam pa ang DOH. Kasi kahit anong ikatwiran nila, dapat ay kumuha pa rin sila ng kaukulang lisensiya sa ating gobyerno.

Nalaman natin na hindi lamang ordinaryong sakit ang ginagamot sa pekeng clinic, kundi maging ang mga malalang sakit, tulad ng HIV o iba pang sexually transmitted disease na labis ding mapanganib sa ating mga kababaihan.

Mayroon din silang ‘aesthetic center’ na ilang kababayan ding nating Filipina ang nagiging pasyente nila.

At muli, dahil wala silang kaukulang lisensiya para maggamot sa Pilipinas, mapanganib ito sa lahat.

Puwedeng magpatulong si DOH Sec. Ted Herbosa kay Police Regional Office (PRO) 3 chief Brig. Gen. Jose Hidalgo dahil nasisiguro ko na kung magsu-seryoso sila sa gagawin nilang pagsaliksik, madali nilang matutunton ang pekeng clinic sa Fontana.