
May mga batas, parusa vs mga Marites sa opisina
Babala sa makakating dila
NANINIWALA ang isang Manila congressman na hindi makaliligtas sa parusa ang mga empleyadong “makakati ang dila” o mas kilala bilang mga “chismoso at chismosa” na napaka-hilig mag-Maritess ng mga maling kuwento at fake news laban sa kapwa nila empleyado sa loob ng isang opisina.
Ito ang sinabi ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na bagama’t hindi pa tuluyang naisasa-batas ang isinulong na panukala sa Kongreso laban sa “office bullying” mayroon na umanong umiiral na batas laban dito.
Sa panayam ng People’s Tonight, ipinaliwanag ni Valeriano na hindi makaliligtas ang mga empleyadong sangkot sa office bullying sa pamamagitan ng pagpapakalat ng fake news o chismis sapagkat maaari pa rin silang mapanagot alinsunod sa itinatakda ng Republic Act No. 4363.
Ayon kay Valeriano, nakapaloob sa Republic Act No. 4363 ang pagpapataw ng parusa laban sa sino mang indibiduwal na nagkakalat ng tinatawag na “false accusation” o maling paratang, pagkakalat ng chismis o gossip sa pamamaraan ng oral defamation o paninirang puri laban sa isang tao.
Binigyang diin ni Valeriano na walang kaligtas-ligtas ang sino mang empleyado na napakahilig pag-tripan ang kapwa nila empleyado sa pamamaraan ng pagbibiro subalit nakakasakit naman sa kalooban nito na isang uri ng office bullying at harassment.
Sinabi pa ng Manila solon na maaari din mapanagot ang mga empleyadong mahilig mang-bully sa kanilang kasamahan sa trabaho na nakapaloob sa Presidential Decree No. 442. Sakaling magkaroon naman ng discrimination ay pupuwede din silang maparusahan sa ilalim ng Presidential Decree No. 966.
“While this is the case, let us be reminded that other laws are available. Say, false accusation or gossips can be a defamation punishable under Republic Act No. 4363. If bullied by way of discrimination, we have Presidential Decree No. 442, if discriminated on account membership in labor organization this under Presidential Decree No. 996,” paliwanag pa ni Valeriano.
Binigyang diin pa ni Valeriano na sa kasalukuyan, mas nakatutok aniya ang pamahalaan sa seryosong usapin ng “mental health”. Kung saan, ang pagkakalat ng maling balita o false news at chismis ang pangunahing dahilan kung bakit naaapektuhan ang mental health ng isang indibiduwal.
“In fact, sa panahon ngayon. We give more emphasis to our mental health and gossip can affect this, it is high time that we passed a law reforming our culture against unhealthy and unfair practices that breed bullying in various forms,” Dagdag pa ni Valeriano.