Default Thumbnail

May “bago” ba sa DPWH at ‘office transfer’ sa DOLE?

August 23, 2022 Paul M. Gutierrez 297 views

PaulSINASABING marami ang “natuwa” sa muling pagbabalik ni DPWH secretary Manuel Bonoan sa nasabing departamento.

Bago kasi napili ni PBBM si Bonoan, “beterano” na ito sa DPWH at naging ‘OIC’ pa nga siya noong Pebrero 2007 sa administrasyon ni GMA mula sa pagiging undersecretary sa panahon ni Pang. Erap.

Pinalitan niya si Gen. Hermogenes Ebdane, na nagbago ang isip sa ginawang pagbibitiw at muling bumalik sa DPWH pagkaraan ng 5 buwan.

Translation, dear readers? Eh, kung “kalakaran” din lang sa DPWH, sigurado tayong “alam na alam” ‘yan ni Sec. Bonoan, yeheyy!

At marahil, alam din niya (pero hindi alam ng maraming tao) na kung “mabantot” ang imahe ng Bureau of Customs (BOC) dahil sa bintang ng korapsyon, aba’y “mas matindi” ang masangsang na amoy ng katiwalian dyan sa DPWH!

Kung mag-browse lang sa Internet ang ating mga kababayan, isa sa bubulaga sa inyo ay ang ulat na ayon sa DOJ, ang may pinakamaraming reklamo ng korapsyon at katiwalian na natanggap nila ay itong DPWH, aguy!

Eh, kahit nga si Pang. Rody na galit sa mga korap, palaging kinakastigo ang DPWH—hindi ang BOC– sa isyu ng korapsyon, aray!

In fairness naman kay ex-DPWH secretary at ngayon ay Senator Mark Villar, hindi siya nag-atubili na sibakin at parusahan ang mga tiwaling district engineers ng ahensiya, ayon pa rin sa mga naging ulat ng mainstream media, sa tulong ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Sinikap din ni Sen. Mark na gawing ‘as transparent as can be’ ang DPWH sa pamamagitan ng regular na konsultasyon sa MSGC (multi-sectoral governance council), kung saan isinama pa nga niya ang inyong lingkod bilang kinatawan ng midya.

Alam din ng lahat na isa sa pinakamayaman ang pamilya ni Sen. Mark sa buong ‘Pinas kaya “bomalabs” (malabo) na akusahan siya ng “tongpats” at “katiwalian” sa kanyang termino sa DPWH.

Tanong naman ng mga miron, ‘yun bang mga pinalitan niya sa poder katulad ni Bonoan at ‘yung iba pang mga pumalit sa kanya, ‘singyaman din ba ni Sen. Mark na kahit hindi magtrabaho ay hindi mauubusan ng kuwarta?

Pero ngayon, pansin ng mga miron, mayayaman na rin sila, hehehe!

Isa sa mga hindi natapos na kampanya ni Pang. Rody at Sec. Mark ay ang paglaban sa korapsyon, partikular na dyan sa DPWH.

At ngayong ang napuwesto bilang kalihim ay ang ‘comeback kid’ na si Sec. Bonoan, ang tanong ng mga miron, may “bago” nga ba sa DPWH o may magaganap na pagbabago?

Eh, tingnan na lang natin, kaya…abangan!

At hindi rin natin sinasabing may ‘whiff of corruption’ d’yan sa DOLE sa ilalim ng isa pang ‘comeback kid’ na si Sec. Benny Laguesma.

Bagaman, mainam na imbestigahan ni Sec. Benny ang reklamo ng ilang kaibigan sa DOLE hinggil sa umano’y “pagpipilit” ng isa niyang undersecretary (na bumalik din sa DOLE) na “ilipat” ang opisina ng ilang yunit at ahensiya mula sa DOLE main office sa Intramuros, Maynila, dyan naman sa Quezon City.

Ang palusot, ehek, katwiran ni ‘Usec. I Have Returned,’ ayon sa reklamo? Eh, ‘condemned’ na raw kasi ang DOLE building, ganern?

Eh, bakit nung tumama ang 7.0 magnitude na lindol nitong Abril 27, hindi man lang natinag ang DOLE building? Aber, hindi nga pinauwi ni Usec. ang mga empleyado dahil wala namang nakaambang panganib, tapos ‘condemned’ ang building, hehehe!

Ilan umano sa tinatarget ni Usec. na mailipat ng opisina ay ang Bureau of Labor Relations, Bureau of Labor Employment at ang International Labor Studies.

Dahil wala namang iba pang magagamit na sariling gusali ang DOLE sakaling matuloy ang paglipat sa QC, siyempre, kailangan na magrenta sa pribadong gusali, tama ba, Sec. Laguesma.

At kapag may renta, may kontrata at kapag may kontrata, alam mo na siguro, Sec. Benny, ang kasunod, hehehe!

At teka pala, ‘yun bang mga apektadong empleyado ng DOLE, nakonsulta man lang ba?

Sa palagay natin ay hindi dahil kung may nangyaring konsultasyon, hindi na sila magrerekamo sa midya, tama ba, mga kabayan?

Abangan ulit!

AUTHOR PROFILE