Matteo Guidicelli

Matteo, makabagong bayani sa ‘Penduko’

October 28, 2023 Vinia Vivar 554 views

Nagbabalik sa big screen ang legendary superhero na may bagong mukha, bagong kwento pero punung-puno pa rin ng exciting at out-of-this-world adventures.

Si Matteo Guidicelli ang pinakabagong Penduko na mapapanood sa cinemas nationwide simula December 25 bilang isa sa sampung official entries ng 2023 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Ire-reimagine ng award-winning at box-office director na si Jason Paul Laxamana ang comic book character na nilikha ng National Artist na si Francisco V. Coching’s noong 1954 at muling ikukwento ang istorya ni Pedro Penduko para sa bagong henerasyon.

Mapapanood din sa pelikula ang mga A-list at award-winning actor tulad ni Albert Martinez, na gaganap bilang Gat Blanco, respetadong businessman na nagmamay-ari ng Hatinggabi, ang underground company na may albularyos-for-hire.

Ang internationally acclaimed actor at Venice Film Festival awardee naman na si John Arcilla ay gaganap bilang Apo Tisot, isang kilalang albularyo at ama ni Pedro.

Ang award-winning best actress na si Kylie Verzosa ay gaganap bilang Liway, ang maganda, nakakaakit at hinahangaang agent ng Hatinggabi.

Ang Penduko ay tungkol sa kwento ni Pedro, isang binata na may angking galing at husay sa mythical at supernatural powers.

Namana ito ng kanyang ama na si Apo Tisot sa kanilang mga ninuno. Pero hindi tulad ni Apo Tisot na ginagamit ang kakayahan sa paggagamot at pagtulong sa mahihirap, may ibang gustong gawin si Pedro para sa sarili niya.

Matapos iwan ang kanyang ama at umalis sa bayan nila, lilipat si Pedro sa siyudad para tuparin ang mga pangarap, pero magiging mailap ang swerte sa kanya at kinakailangan niyang pumasok sa iba’t ibang trabaho at tuluyang sayangin ang itinatagong galing.

Magbabago lang ang ihip ng hangin nang kunin siya ng isang secret organization na pagmamay-ari ni Gat Blanco at gawing albularyo agent.

Sa pagpasok ni Pedro sa organisasyon, lalo niyang mahahasa ang kanyang talento na hahangaan ng marami, pero may mga maiinggit din dito.

May darating naman na makapangyahirang kulam at itim na mahika na maglalagay sa peligro sa maraming tao, kasama na rito ang mga taong mahalaga kay Pedro.

Dahil dito, haharapin niya nang buong tapang at lakas ang mga bago at hindi inaasahang kalaban.

Siya na ba ang bagong bayani na hinihintay ng lahat? Magtagumpay kaya siyang iligtas ang lahat?

“Penduko is the first MMFF venture of Epik Studios and Sari Sari Network, Inc. We are very excited and we look forward for families to watch this amazing masterpiece,” ayon sa Epik Studios at Sari Sari Network, Inc. co-chairman na si Jane Basas.

“Let’s make the MMFF a family tradition every Christmas once again. We want kids and parents to have a meaningful movie bonding experience. Brace yourselves for this is just the beginning of something EPIK,” sabi naman ni Epik Studios President at Sari Sari Network, Inc. Co-Managing Director Vicente del Rosario III.

Mapapanood din sa Penduko sina Mark Anthony Fernandez, Phoebe Walker, Marissa Sanchez, Candy Pangilinan, Andrea del Rosario, Arron Villaflor, Gene Padilla, Joe Vargas, Martin Venegas, Keagan de Jesus, Kurt delos Reyes, Tyro Daylusan, Annika, Zombie Tugue, TJ Valderrama, Jobelyn Manuel, JC Tiuseco, Andrea Babierra at marami pang iba.

Ang Penduko rin ang magiging big screen debut ng “Mini Miss U” viral contestant ng It’s Showtime na si Annika Co.

Mula sa all-star cast, sa isang multi-awarded at highly regarded na direktor, sa quality ng visuals at graphics, at kaabang-abang na kwento, walang duda na ang Penduko ay pang-buong pamilya sa darating na MMFF.

AUTHOR PROFILE