Default Thumbnail

Mass shooting, hate crimes

October 30, 2023 Allan L. Encarnacion 570 views

Allan EncarnacionNAKAPAG-RENEW na kami ng US visa matapos ang expiration.

Kaming buong mag-anak ay may may-10 years valid US visa. Pangatlong ulit ko na atang renewal ito, iyong una ko ay single entry tapos dalawang sunod na multiple. Iyong huling application ko, isinama ko na ang aking misis, dalawang anak, ang aking manugang at iyong pinakahuli, may visa na rin ang aking apo.

Pero ilang taon nang may visa ang apo ko pero hindi pa nakakapunta sa US. Iyong mga anak ko at manugang at misis, nakapunta naman na ng dalawang ulit na. Ako naman, sa kabuuan ay apat or limang na beses na ata nakabalik sa LA, Las Vegas, San Francisco, New York, Virginia at Washington DC.

Nakaplano sana kaming magbiyahe ulit para sa aming apo na first timer kaya lang, inabot ng pandemic. Nang magluwag na ang biyahe at humupa na ang COVID scare, naging talamak naman ang Asian hate crimes kaya nawala na naman sa radar ang aming planong makapag-Amerika ulit.

Ang sumunod na senaryo, ang serye naman ng mass shooting ang nagpaatras sa aming mga balak na lumipad. Hindi na naman natuloy ngayong 2023 at mukhang walang nakalinyang mag-Amerika sa susunod na taon dahil sa takot sa Asian hate crimes at tinambalan pa ng mass shooting.

Sa totoo lang iba rin kasi ang US tour, lalo na sa mga panahong paparating ang winter season. Kahit isolated case lang na masasabi ang hate crimes at mass shooting, parang napakahirap pa ring magbakasakali. Iyon tipong nagkakape ka sa Rodeo drive sa Beverly Hills or kumakain ka sa San Francisco wharf at Dowtown LA or sa al fresco sa Time Square ay bigla na lang may mag-trip na armado ng automatic rifle at biglang walang habas na mamaril.

Kaya tuloy ang mag-anak ko ayaw munang bumalik sa Amerika dahil sa mga ganitong kaso. Gaano karaming pamilya ang tulad naming natatakot muna bumalik sa Estados Unidos? Mabigat din ang dagok sa US tourism ang ganitong problema na dapat tingnan ng Biden administration, lalo’t nag-slow down ang kanilang ekonomiya.

Itong panibagong mass shooting sa payapa at very low crime rate na Maine ay nakakagimbal. 22 ang patay, nasa 60 ang sugatan at may mga nasa kritikal pang kondisyon.

Ang walang habas na pamamaril ng dating Army reserved na armado ng automatic war rifle ay matinding takot ang idudulot sa mga katulad naming turista at sa mismong mga mamamayan ng Amerika. Hindi ko kasi maunawaan kung bakit ayaw ng maraming mamamayan ng Tate sa gun control.

Hindi na mabilang ang mga napatay ng mga utak-pulburang Amerikano na basta na lamang mapagtitripang mamaril sa karamihan ng tao.

Saan ba nagmumula ang katwiran nila na “right to defend at right to bear arms” na nasa kanilang Saligang Batas? Lahat naman tayo may karapatang depensahan ang ating sarili sa kahit anong banta pero hindi ko matatanggap na lahat tayo ay may karapatang magdala ng armas. Ang mga awtoridad at mga taong nasa tamang pag-iisip lamang ang dapat nagdadala ng armas.

Ang problema sa Amerika, over the counter ay puwede kang bumili ng baril na para ka lang bumibili ng barena or martilyo sa hardware. Puwede ring maging “killing machine” ang barena at ang martilyo kung tutuusin pero hindi as deadly as automatic rifle na in an instant ay makakapatay nang maramihan.

Hangga’t hindi magkakaroon ng totohanang gun control sa paghawak ng armas ang mga Amerikano ay mananatiling banta ng bangungot ang sana’y masayang panaginip na makaikot sa maraming estado sa bayan ni Uncle Sam.

[email protected]