Default Thumbnail

Masaya at makulay na Pasko, ramdam na sa Pangasinan

November 15, 2023 Edd Reyes 186 views

Edd ReyesMISTULANG nagpapaligsahan na ang mga munisipalidad sa lalawigan ni Gov. Mon-Mon Guico III ng Pangasinan dahil sa nagniningning na liwanag sa mga bayan-bayan na nakakadagdag ng sigla at saya sa bawa’t mamamayan.

Halos umagahin sa lansangan ang maraming tao dahil sa bonggang-bonggang liwanag ng makukulay na ilaw, hindi lamang sa mga lansangan, kundi higit sa lahat ay sa mga naglalakihang mini-carnival sa mga bakanteng lote na namumutiktik sa liwanag at mga iba’t ibang uri ng rides.

Pero may hugot pala ang mga nagtayo ng mini-carnival dahil kinapos pala sila sa budget na nakalaan bunga ng nagtaasang upa sa lupa, upa sa mga rides, pasuweldo sa personnel, bayad sa permiso, at magiing sa mga nagbabantay para mapanatili ang kaayusan at katahimikan kaya naghanap sila ng ka-partner.

Dito na nga raw umeksena ang mga operator ng ilegal na sugal na handang maghatag ng puhunan kapalit ng paglalagay nila ng mga mesa ng drop balls, color games at iba pa.

Maaaring lingid ito sa kaalaman ni Police Regional Office (PRO)-1 Director P/BGen. John Chua dahil hindi lang naman ang Pangasinan ang kanyan tinututukan kundi higit sa lahat ay ang Ilocos Norte, Ilocos Sur, at La Union.

Sa mga bayan lang ng San Jacinto, Mangaldan, Binmaley, Villasis, San Fabian at Posorubio, nakopo pala ng magkakaanak ang mga ilegal na sugal pero tiyak na mahihirapang kilalanin isa-isa ito ni Provincial Director P/Col. Jeff Fanged dahil pawang nagtatago lang ang anim na magkakamag-anak sa alyas “Ibasan”.

Pero kahit nakopo ng magkakamag-anak ang ilegal na operasyon sa maraming bayan, may ilan din namang operators na nakasingit na puro nagtago rin lang sa kani-kanilang mga alyas tulad nina alyas “Flores” at “Jury” sa Bayan ng Malasiqui at Bani, alyas “Dindo” ng Calasiao, “Jude” ng Sta Barbara, “Magat” ng San Carlos at Basista, “Danny” ng Bugallon at Brgy. 2 ng Manaoag, “De Luna” ng Mangatarem at “Maribel” ng Urbiztondo.

Hindi naman mai-tip ng mga peryantes ang ilegal na operasyon sa pangambang pati sila ay maipasara ng Pamahalaang Panlalawigan kaya kahit hinahatawan sila ng tong ng isang nagtatago sa alyas “Santi” minabuti na lang nilang itikom ang kanilang bibig.

Sulu Street sa Blumentritt, bentahan ng frozen meat

NANG magbabala ang Department of Agriculture sa publiko laban sa mga ibinebentang frozen meat sa mga wet market na posible raw kontaminado ng bacteria, dinedma lang ito ng mga vendors sa Blumentritt na lantaran ang pagbebenta ng nakalatag na frozen meat.

Kung sorpresang magtutungo lang sana ang mga tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS) at Department of Trade and Industryt (DTI) sa kahabaan ng Sulu St. sa area ng Blumentritt, bubulaga sa kanila ang hilera ng isang katerbang frozen meat na lantarang nakabuyangyang at ibinebenta ng mga vendors.

Sa mga mamimili naman, kailangan din nilang pag-ingatan ang ilang manlilinlang na vendors na iba’t-iba ang raket tulad ng pagbebenta ng kulang sa timbang at panloloko sa produkto na tulad ng bituka na ibinebenta bilang chicharong bulaklak.

Siguro, dapat ding suriin ng Veterinary Inspection Board ng Manila City Hall ang mga nagbebenta ng frozen meat sa Sulu St. para malaman kung may kaukulan silang lisensiya at permiso.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE