Edd Reyes

Masalimoot na usapin sa Masungi Georeserve, pinagitnaan ng Senado

April 23, 2025 Edd Reyes 96 views

ALAM nating lahat na ang batas ay isang pangunahing haligi sa paghahangad ng katarungan, karapatan, at katatagan ng lipunan kaya’t lagi itong nangingibabaw sa lahat ng uri ng usapin.

Pero may mga pagkakataon talaga na dahil sa paggamit ng batas, may mga usapin na humahantong sa debate lalu na kung ang naaapektuhan ay hindi lamang mga indibiduwal o organisasyon, kundi maging ang kalikasan.

Dito lang sa usapin ng isang conservation area sa lalawigan ng Rizal, marami ang nabigla nang kanselahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang supplemental joint venture agreement nila ng Masungi Georeserve Foundation noong 2002 dahil may depekto raw sa kasunduan tulad ng kawalan ng Presidential Decree na nag-uutos na i-develop ang lugar at ang kabiguan ng Blue Star Construction and Development Corp. na maitayo ang housing units na nakapaloob sa kasunduan.

Kaya lang, may katanungan na bakit daw sa loob ng dalawang dekada ay ngayon lang nasilip ang depekto sa kasunduan gayung simula nang mapunta sa pangangalaga ng Foundation ang Masungi, lumago ang kagubatan nito at sa katunayan, iba’t ibang parangal na ang natanggap ng protected area sa ilalim ng naturang grupo

Mabuti na lang, nagsagawa ng pagdinig sa naturang usapin ang Senado sa pangunguna ni Senator Alan Peter Cayetano, kaya nagkaroon ng pagkakataon na linawin ang isyu ng magkabilang panig at higit sa ahat, nagbigay-daan para sa paghanap ng patas at makatarungang resolusyon.

Sa totoo lang, malaking bagay na si Cayetano mismo ang kumilos para mamagitan sa isang isyung napakadelikado at emosyonal, na may kinalaman sa lupa, kalikasan, at interes ng publiko. Kailangan talaga natin ng lider na hindi takot makinig, magtanong, at magsalita para sa ikabubuti ng nakararami.

Kaya ang panalangin ng marami ngayon, kung anuman ang kalalabasan ng usaping ito, sana’y malinaw, makatarungan, at pabor sa interes ng publiko dahil kapag ito naging resulta, magiging modelo ang Masungi, hindi ng masalimuot na banggaan, kundi ng mahusay na paglinang ng likas-yaman para sa kapakinabangan ng kasalukuyan at susunod na henerasyon.

Pilipinas, nasa upper-middle income status na sa 2026 – Rep. Tiangco

KUMPIYANSA si Navotas Congressman Toby Tiangco na maabot ng Pilipinas ang “upper-middle income status” sa 2026 bunga ng patuloy na implementasyon ng mga programa at polisiya ng administrasyong Marcos na layuning pataasin ang pamumuhunan at lumikha ng maraming trabaho.

Sinabi ni Rep. Tiangco na determinado aniya ang administrasyon na makahabol ang Pilipinas sa mga bansa sa Southeast Asia na nasa upper-middle income status tulad ng Indonesia, Thailand, at Malaysia, lalu’t nakatuon ang Pangulong Marcos, Jr. sa pagunlad ng ekonomiya na pakikinabangan ng lahat para maitaas ang antas ng pamumuhay, magandang edukasyon, maraming trabaho at mabawasan ang kahirapan.

Suportado rin ni Tiangco ang bagong batas sa ilalim ng Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) na nilagdaan ng Pangulong Marcos Jr, noong Abril 10, 2025 na lilikha ng unang 25-taong pangunahing planong pang-imprastraktura upang masiguro na ang mga mahalagang proyekto ay maipagpapatuloy ng mga susunod na administrasyon, kahit sino pa ang maupo sa puwesto.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE