
Mark kakasuhan ng grave threat ni Jojo
NAKATAKDANG magsampa ng kasong grave threat ang “Revival King” na si Jojo Mendrez laban sa Kapuso actor na si Mark Herras ngayong Miyerkules sa Quezon City Hall of Justice.
Ito ay dahil sa diumano’y pananakot at seryosong pagbabantang ginawa ni Mark kay Jojo habang nasa Luxent Hotel noong gabi ng March 23 bago pumunta sa PMPC Star Awards for TV.
Matatandaan na sa isang tell-all emergency presscon ay sinabi ni Jojo na nasaktan siya nang iwan siya ni Mark sa ere bilang presenter sa awards rites na idinaos sa Dolphy Theater.
Hindi raw ito nagpaalam sa kanya at hindi niya maintindihan kung paano nito nagawang bastusin siya gayung siya ang tumulong sa panahong walang-wala at down ang aktor.
Gaya ng unang napabalita, sinalo lang si Jojo sa kahiya-hiyang sitwasyon ng kapwa-‘StarStruck’ discovery ni Mark na si Rainier Castillo.
Inilabas din sa presscon ng kampo ni Jojo ang diumano’y malaking pagkakautang ni Mark at ang pagbabanta nito kapag naitsa-pwera siya sa mga proyekto.
Dahil dito, tuluyan nang tinuldukan at binuwag ng management ni Jojo, ang Aqueous Entertainment, ang anumang kolaborasyon sa pagitan ni Mark at ng kanilang alaga.
Ayon pa sa manager ni Jojo na si David Bhowie, kasamang dudulog ng singer/entrepreneur sa QC court ngayong araw ang legal counsel nitong si Atty. Chiqui Advincula.
Kahapon, Martes, ipina-blotter at nagsumite na si Jojo ng kaukulang affidavit sa Police Station 10 ng Kamuning, Quezon City.
Sa maikling interbyu, sinabi ni Jojo na ikinalulungkot niya ang kaganapang ito sa pagkakaibigan nila ni Mark pero dapat ay maging responsable ang aktor sa threat na ginawa nito sa kanya.