Default Thumbnail

Marine officer patay sa RIT sa Cotabato City

December 27, 2022 Zaida I. Delos Reyes 199 views

PATAY ang isang off-duty marine officer matapos na pagbabarilin ng riding in tandem (RIT) sa araw mismo ng Pasko sa Cotabato City.

Ang biktima ay isang Marine Staff Sargeant na miyembro ng Philippine Marine Corps.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 6:00 ng umaga sa kahabaan ng Moreno Drive, Barangay Rosary Heights 2 sa nasabing lungsod.

Lulan umano ang biktima ng kanyang sasakyan na nakaparada sa lugar habang naghihintay sa kanyang asawa na bumibili lamang ng gulay sa tabing kalsada nang pagbabarilin ng mga suspek.

Ang bitima ay nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan dahilan upang hindi na ito umabot ng buhay sa pagamutan.

Masuwerte namang hindi tinamaan ng bala ang mga anak ng biktima na nakaupo sa likod ng sasakyan.

Nakuha mula sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala mula sa .45 kalibre ng baril.

Ayon sa ulat, kagagaling lamang ng pamilya sa pagsisimba nang maganap ang insidente.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang pamamaslang.