Dongyan

Marian muling umani ng papuri sa ‘Balota’ red carpet preem

October 12, 2024 Ian F. Fariñas 363 views

SUMUGOD ang Kapuso stars at iba pang celebrities sa red carpet premiere screening ng critically acclaimed satirical movie ni Marian Rivera na “Balota” sa Cinema 11 ng Gateway 2 Cineplex nitong Biyernes.

Siyempre, pinangunahan ang star-studded event ng mister ng aktres na si Dingdong Dantes na nagpaka-GRO sa pag-iikot at pagbati sa mga dumalo bago ang screening.

Present din sa okasyon ang GMA execs na sina Annette Gozon-Valdes at Lilybeth Rasonable, Jacqui Cara ng Triple A (All Access to Artists) management team at Kapuso artists na sina Pokwang, Kyline Alcantara (kasama si Kobe Paras), Ruru Madrid, Bianca Umali, Kate Fernandez (kasama si Fumiya), Kristofer Martin, Boobay, Tekla, celebrity vloggers na sina Ivana Alawi, Zeinab Harake, magdyowang Kim Molina at Jerald Napoles at marami pang iba.

As expected, rave ang mga nanood sa ipinakitang husay ng Kapuso Primetime Queen bilang “deglamorized” teacher na si Emmy Rivera, na isinugal ang buhay niya at ng kanyang pamilya mapangalagaan lang ang sanctity ng mga balota.

Proud husband moment muli ang gabi para kay Dingdong na nag-post pa sa Instagram kung gaano siya kabilib sa naging pagganap ng asawa.

Aniya, “Experiencing this movie for a second time, and watching my wife dominate in her role, fills me with immense pride. Congratulations, once again, to the whole team!”

Si Pokwang naman, na tinatawag ni Marian bilang “Mamang,” may pa-bouquet of flowers bilang congratulatory gesture sa kaibigan.

Aniya sa IG, “Ang husay mo sa movie na ‘to @marianrivera #BALOTA napaka tapang na pelikula at napapanahon. Gusto ko lang iparating sa mga naging teacher ko noong nag aaral ako maraming salamat sa inyong tapang, at dedikasyon. Kagaya ni teacher Emmy lagi syang nasa tama at pinaglalaban ang tama. SHOWING NA SA OCTOBER 16 please watch BALOTA.”

Matatandaan na ang “Balota” ang kauna-unahang Cinemalaya film ni Marian sa ilalim ng direksyon ni Kip Oebanda. Ito ang isa sa Cinemalaya Bente box-office hits at nagbigay sa aktres ng kanyang first Balanghoy trophy bilang best actress, among other awards.

Produced ng GMA Pictures at GMA Entertainment Group, in cooperation with Cinemalaya, nagkaroon din ito ng screening sa 44th Annual Hawaii International Film Festival sa Hawaii noong October 6. Napanood ito sa Consolidated Theaters Kahala nitong October 12 at sa Lanai Theater at Hale Keaka naman sa October 21.

Sabi nga ni Marian ukol sa indie movie, “Hindi ko maipaliwanag ‘yung pakiramdam ko after kong matapos ‘yung ‘Balota,’ parang palagi kong sinasabi lalo na sa asawa ko na ‘alam mo ‘yung ang tagal ko sa showbiz pero parang bumalik ulit ‘yung fulfillment ko sa sarili ko sa paggawa ng trabaho.

“Posible pa pala. Pero higit sa award, ang regalong natanggap ko ay ang muling pagliyab ng aking pagmamahal sa paggawa ng pelikula, dahil sa inspirasyong ibinigay sa akin ng Cinemalaya community.”

Kasama ni Marian sa “Balota” sina Gardo Versoza, Mae Paner, Nico Antonio, Donna Cariaga, Joel Saracho, Sue Prado, Royce Cabrera at marami pang iba.

Magbubukas ito sa mga sinehan nationwide simula October 16.

AUTHOR PROFILE