Marco

Marco todo suporta sa gymnastic tourney ni Amarah

June 30, 2024 Vinia Vivar 53 views

Mahaba at emosyonal ang appreciation post ni Cristine Reyes para sa kanyang mga mahal sa buhay kabilang na ang boyfriend na si Marco Gumabao at ateng si Ara Mina.

Base sa Instagram posts ni Cristine ay kasama niyang lumipad patungong Hong Kong sina Marco, Ara at anak nitong si Mandy para suportahan ang unica hija niyang si Amarah sa Asian Gymnastic Club Tournament na ginanap sa nasabing bansa.

Kaya naman isa-isa niyang pinasalamatan ang mga kasama.

“Masayang masaya kami ni Amarah. Hindi namin inaasahan na sasamahan kami ng aming mga minamahal,” simula ni Cristine.

“Puno ng maraming ala-ala at aral na bibit-bitin namin mag-ina. Salamat sa oras na binigay ninyo sa amin ng aking anak. Iba rin talaga ang saya kapag magka-kasama,” patuloy niya.

Ayon pa sa aktres, unti-unti nang bumubukas ang kanyang puso sa mundong ito na ginusto niyang talikuran noon.

“Unti-unti sa tulong ng pag-darasal at tiwala sa itaas, lumalambot at bumubukas na ang aking puso sa mundong minsan ay aking gustong talikuran at lisanin.

“Alam ko na ngayon, hindi natin alam kung saan tayo dadalhin ng ating kapalaran pero dapat tanggalin sa isip at puso ang takot at mag-tiwala lang at ibigay ang lahat sa may kapal,” pahayag niya.

Kasunod nito ay nagpasalamat siya sa kanyang Ate Ara at sinugurong kakanta siya sa 30th anniversary concert nito sa July 11 sa Newport Performing Arts Theater.

Sa anak naman ni Ara na si Mandy, sey ni Cristine, “Salamat Mandy @myamandagabrielle napaka-bait mong pamangkin at napaka-cute. Gigil kami sa’yo palagi. Wag ka magpa-payat ha, maintain mo lang yan.”

Pinasalamatan din niya ang iba pa nilang kasama.

Lastly, siyempre ay pinasalamatan ni Ara si Marco for taking time na samahan din sila.

“At syempre, Salamat mahal @gumabaomarco sa oras. Alam ko hindi ganun kadali pero andito pa rin tayo at kuma-kapit. Palagi ako nabubuhayan ng lakas tuwing sinasabi mo ang mga salitang ‘Kaya natin ‘to,’” ang sweet message ni Cristine sa boyfriend.

Ipinost ni Cristine ang videos and photos ng pamamasyal nila sa HK Disneyland with the whole group at kitang-kita na masayang-masaya talaga si Amarah.

Makikita rin sa post ni Cristine ang gymnastic competition na sinalihan ni Amarah kung saan ay tumanggap pa ito ng mga medalya.

Makikita rin sa nasabing mga larawan and videos kung gaano ka-supportive si Marco sa anak ni Cristine.

AUTHOR PROFILE