Marbil1

Marbil nagbabala vs poll violence

March 26, 2025 Alfred P. Dalizon 231 views

MAHIGPIT na nagbabala kahapon si Philippine National Police chief, General Rommel Francisco D. Marbil na makakalaban ng sinuman magtatangkang guluhin ang pagsisimula ng local campaign period na makakatapat nila ang buong puwersa ng kapulisan at ng pamahalaan.

“Sa mga may balak maghasik ng takot, manindak ng botante, o gumamit ng dahas para sa sariling interes—ito na ang huling babala: buong puwersa ng batas ang ipapataw sa inyo. Hindi namin hahayaang masira ang ating demokrasya,” pahayag ni ng hepe ng Pampansang Pulisya.

Ginawa niya ang pahayag kasabay halos ng isang insidente sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte kung saan binaril at napatay ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang isang municipal election officer at ang kanyang asawa.

Sinasabing si Bai Lidasan-Abo at ang kanyang asawa ay nakasakay sa kanilang SUV nang sila ay biglang pagbabarilin ng mga suspects sa kahabaan ng national highway sa Barangay Makir bandang 8:30 ng umaga.

Nagsagawa na ng malawakang manhunt operation ang lokal na pulisya laban sa mga gunmen.

Kasabay sa pagsisimula ng local campaign period para sa May 2025 midterm elections ngayong Marso 28, nagbigay ng matinding babala si Gen. Marbil laban sa sinumang magtatangkang manggulo o manakot upang guluhin ang demokratikong proseso.

Inatasan din ni Gen. Marbil ang lahat ng regional, provincial, city, at municipal police commanders na pangunahan ang pagpapanatili ng isang mapayapa, malinis, at maayos na halalan.

“Dapat maging handa ang ating mga commander sa ground sa anumang banta, kumilos agad, at manatiling patas. Inaasahan ko ang pagiging maagap sa pag-iwas at pagtugon sa anumang election-related violence,”ayon sa opisyal.

Puspusan na ang seguridad ng PNP sa buong bansa, lalo na sa mga election hotspots at lugar na may matinding tunggalian sa pulitika, ayon kay Gen. Marbil.

Kabilang dito ang mas pinaigting na intelligence gathering, pinalawak na presensya ng pulisya, at mahigpit na koordinasyon sa Commission on Elections, Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya ng gobyerno.

“Naglagay na tayo ng police assistance desks sa mga campaign venues at nagdagdag ng tauhan sa mga kritikal na lugar. Nakaantabay rin ang ating quick reaction forces. Handa kami,” sabi ni Gen. Marbil.

Nagbabala rin ang PNP Chief sa mga pulis na maaaring masangkot sa partisan politics.

“Zero tolerance tayo sa anumang uri ng pagkiling sa pulitika. Sinumang lalabag sa election protocols ay agad na makakatanggap ng kaukulang parusa, administratibo man o kriminal,” mahigpit niyang babala.

Nanawagan din si Gen. Marbil sa mga kandidato at kanilang tagasuporta na sundin ang batas at iwasan ang anumang uri ng karahasan.

“Ang mga kandidato mismo ang dapat magpakita ng magandang halimbawa. Magsimula kayo sa pagsunod sa mga alituntunin ng isang patas at mapayapang halalan,” aniya.

Upang tiyakin ang seguridad ng halalan, puspusan nang gumagana ang PNP National Election Monitoring Action Center (NEMAC) para sa real-time monitoring at agarang deployment ng pwersa kapag kinakailangan.

“Sa mga nagbabalak guluhin ang eleksyon: matutunton namin kayo, at pipigilan namin kayo,” pagtatapos ni Gen. Marbil.

AUTHOR PROFILE