
Malaysian nailigtas mula sa 2 Pinoy, 2 dayuhang kidnapper
NAILIGTAS ng pulisya ang 25-anyos na Malaysian national sa kamay ng dalawang dayuhan at dalawang Pinoy na dumukot at nagkulong sa kanya sa isang condominium sa Paranaque City.
Na-rescue ng mga tauhan ng Tambo Police Sub-Station-2 ng Paranaque police ang biktimang si Terence Liew Xiew Yan, 25, residente ng 3614 C Rivera, Brgy. Baclaran dakong alas-4:20 ng madaling araw ng Miyerkules sa pinagkulungang unit sa kanya sa 5th floor ng Royal Peak Plaza sa Brgy. Tambo na nagresulta rin sa pagkakadakip sa apat na suspek.
Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Leon Victor Rosete ang mga nadakip na sina alyas “Zhihao”, Chinese national, alyas “Tran Thi”, Vietnamese national at dalawang Pinoy na sina alyas “Rolly” at “Angelo”, na kasalukuyang nasa kostodiya na ng Paranaque Police Station.
Batay sa ulat ni Col. Melvin Montante, hepe ng Paranaque police kay BGen. Rosete, nagtungo ang live-in partner ng biktima na si alyas “Robelyn”, 20, sa pulisya upang humingi ng tulong matapos puwersahang idetine ng mga suspek ang kanyang kinakasama.
Kaagad na nagresponde sina Patrolmen Sany Claire Burigsay, Paul John Baclayon at Veronica Alab na pawang nakatalaga sa Sub-Station-2 sa sinasabing lugar ni Robelyn na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek at pagkakaligtas sa biktima.
Inaalam pa ng pulisya sa isinasagawang imbestigasyon ang motibo ng pagdukot at pagkulong ng mga suspek sa biktima.