Posas

‘Malansa’ sa umaga ‘mas malansa’ sa gabi

August 1, 2023 Edd Reyes 210 views

BISTADO ang dalawang tindero ng isda sa pagbebenta ng ilegal na droga nang pagbentahan ng shabu ang pulis na nagpanggap na adik Martes ng madaling araw sa Malabon City.

Sa ulat ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, mahigit isang linggong minamanmanan ng mga tauhan ni P/Lt. Amadeo Tayag, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang ilegal na aktibidad nina Allan Almario, 42, ng 1st St. Brgy. Tañong at Michael Bonan, 43, ng Camia St. Brgy Maysilo matapos matanggap ang impormasyon na ginagamit lang nila bilang “front” ang pagbebenta ng isda.

Nang makumpirma ang totoong pinagkakakitaan ng dalawang fish vendor, kaagad na ikinasa ng mga tauhan ng SDEU ang buy-bust operation nang kumagat ang mga ito sa pakikipag-transaksiyon sa kanila ng pulis na nagpanggap na buyer.

Dakong alas-4 ng madaling araw nang dakpin ng pulisya ang dalawa nang tanggapin ang P500 markadong salapi na ibinayad sa kanila ng police poseur-buyer kapalit ng isang medium size na sachet na naglalaman ng shabu.

Ayon sa pulisya, nakumpiska sa dalawa ang humigit-kumulang sa 21.4 gramo ng shabu na may katumbas na halagang P145,520.00, pati na ang markadong salapi na ginamit sa buy-bust operation.

Isasailalim sa drug test ang mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Custodial Facility ng Malabon Police Station habang inihahanda na ang pagpi-prisinta sa kanila sa piskalya para sa kasong paglabag sa pagbebenta at pag-iingat ng ilegal na droga.

AUTHOR PROFILE