
Malakihang dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ipatutupad sa araw ng Martes
MATAPOS ang big-time price rollback sa mga produktong petrolyo nitong Semana Santa, malakihang taas presyo naman ang sasalubong sa mga motorista simula Martes ng umaga, Abpril 22, 2025
Sa magkakahiwalay na abiso ng PTT Philippines, Total Philippines, Petro Gazz, Unioil Philippines, Phoenix Petroleum, at Eastern Petroleum, simula alas-6 ng umaga ay ipatutupad nila ang P1.35 kada litrong pagtataas sa halaga ng gasolina at P1.30 kada litro naman sa diesel.
Nag-anunsiyo rin ng kahalintulad na dagdag presyo ng gasolina at diesel ang Petron Corporation, Pilipinas Shell, Chevron Philippines, Seaoil Philippines, at Flying V, pati na rin sa kanilang ibinebentang kerosina na P1.10 kada litro, simula alas-6:01 rin ng umaga.
Sa anunsiyo ng PTT Philippines, ang pagbabago sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod ng panibagong paggalaw sa halaga ng langis sa pandaigdigang pamilihan.