Malabon

Malabon City nasungkit Guinness world record sa may pinakamahabang linya ng tasa ng noodles

March 22, 2025 Edd Reyes 218 views

Malabon1NASUNGKIT ng Lungsod ng Malabon ang Guiness World Record para sa may pinakamahabang linya ng tasa ng noodles nang maitala ang 6,549 na tasang naglalaman ng bantog na Pancit Malabon.

Sinimulan ang preparasyon sa paglalagay ng Pancit Malabon sa mga tasa na naglalaman ng minimum na 100 gramo ng luto ng noodles, pasado alas-11 ng tanghali sa Malabon Sports Complex, na nilahukan ng 12-bantog na mga panciteria sa lungsod na may kanya-kanyang paraan ng pagluluto na dinarayo ng kanilang mga parokyano.

Ayon kay Mayor Jeannie Sandoval, nilagpasan nila ang hawak na rekord ng Jinshi Beef and Rice Noodles Association ng China na mayroon lamang 3,988 na linya ng mga tasa ng noodles.

Sinabi ni Mayor Jeannie na hindi lamang ang pagsungkit sa bagong rekord ang kanilang ipinagdiriwang kundi higit ang kanilang mayamang kultura, bantog na mga pagkain, at ang walang hangganang pagtutulungan at bayanihan na sumisimbulo at tumutukoy kung ano ang Malabon.

“Nais din po nating maitala ang Malabon sa mapa ng buong mundo bilang isang lungsod na mayaman sa sining ng pagluluto at nagawa po natin yan ngayong araw,” sabi pa ng alkalde.

Noon pa man ay bantog na, hindi lang sa mga karating lungsod at lalawigan ang Pancit Malabon kundi sa buong kapuluan, na dahilan ng pagdami ng mga panciteriang nagbebenta ng ganitong uri ng pagkaing na may mga sangkap na malalaki o maliliit na noodles, hinimay na tinapa, chicharon, red palm oil, kropek, paminta, fish sauce, pusit, hipon, at kalamansi.

Pinangasiwaan ni Guness adjudicator Sonia Ushirogochi ang naturang kaganapan na kanyang masusing sinuri ang mga pamamaraan at paghahanda bago kumpirmahin ang tamang bilang ng linya ng mga tasa.

AUTHOR PROFILE