Smuggled

Mahigit P6.3M smuggled yosi nasabat sa Zamboanga del Sur

April 27, 2025 Alfred P. Dalizon 110 views

LIBO-LIBONG piraso ng smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng mahigit P6.3 million ang nakumpiska ng mga tauhan ng Zamboanga del Sur Maritime Police Station sa anti-smuggling operation noong Abril 19.

Ang operasyon sa dagat na sakop ng Brgy. Tambunan, Tabina ikinagalak ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco D. Marbil na nagsabing kaugnay iyon ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa smuggling at iba pang organisadong krimen.

Ayon sa isang report ng PNP Maritime Group na na pinamumunuan ni Brigadier Gen. Jonathan Cabal, nasabat ng kanyang mga tauhan ang isang motorized banca na may anim na tripulante at hinihinalang sangkot sa pagpupuslit ng mga sigarilyo.

Nasamsam sa operasyon ang 110 master cases ng Fort cigarettes na may tinatayang halagang P6,303,000.

Nakumpiska rin ang isang motorized banca na nagkakahalaga ng P220,000.

“Muli na namang ipinakita ng ating Maritime Group ang kanilang dedikasyon sa kanilang mandato. Sa tulong ng komunidad, patuloy tayong lalaban sa mga ilegal na gawain sa ating karagatan,” sabi ni Marbil.

Ang operasyon bahagi ng paghahanda ng PNP sa 2025 National and Local Elections (NLE), BARMM Parliamentary Elections (BPE), at ng kampanyang “Ligtas SUMVAC 2025.”

Para sa Abril pa lamang, nakasabat na ang PNP Maritime Group ng 317 cases, 27,474 packs, 3,168 reams at 3 kahon ng smuggled na sigarilyo na nagkakahalaga ng P22,749,289.00 sa iba’t-ibang operasyon.

Ang mga suspek at mga nakumpiskang kontrabando nasa kustodiya na ng Zamboanga del Sur MARPSTA para sa masusing imbestigasyon at tamang proseso.

Nanawagan ang PNP sa publiko na maging mapagmatyag at iulat sa mga awtoridad ang mga kahina-hinalang aktibidad, lalo na sa mga coastal communities.

AUTHOR PROFILE