
Magsino, Romero nagbigay-pugay kay Ople
NAGPAABOT din ng taos puso at marubdob na pakikiramay si OFW Party List Congresswoman Marissa “Del Mar” P. Magsino kaugnay sa pagpanaw ni Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Maria Susana “Toots” V. Ople na itinuturing nitong kaagapay ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi ni Magsino na lubos siyang nagdadalamhati sa pagpanaw ni DMW Sec. Susan “Toots” Ople na itinuturing nitong kaagapay ng mga OFWs patikular na sa pangangalaga sa kapakanan at kagalingan o welfare ng mga Migrants workers na nahaharap sa iba’t-ibang suliranin.
Ayon kay Magsino, ang namayapang Kalihim ay itinuturing din niyang matibay na haligi ng adbokasiya sa pagbibigay ng proteksiyon para sa mga OFWs. Kung saan, bago pa man aniya nanilbihan o nanungkulan sa gobyerno si Ople ay matagal na niya itong nakasama sa private sector.
Ipinaliwanag pa ni Magsino na sa pagpanaw ni Ople, dala nito ang legacy o pamana patungkol sa pagsusulong nito sa karapatan at kapakanan ng mga OFWs sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit para sa mga Pilipinong manggagawa sa abroad kabilang na ang mahusay na pamamalakad ng Kalihim sa DMW.
“Sa kaniyang paglalakbay sa mapagkalingang yakap ng ating Panginoon. Panalangin natin na mabigyan ng Diyos ng kaginhawahang loob at kapayapaan ang kaniyang naulilang pamilya at maging ang kaniyang mga kasamahan sa DMW,” mensahe ni Magsino sa pagpanaw ni Sec. Toots Ople.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang Chairman ng House Committee on Poverty Alleviation na si 1-PACMAN Party List Congressman Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., na nagsabing isang malaking kawalan si Ople para sa DMW. Kung saan, malaki aniya ang naiambag ng Kalihim para sa pagbubuo ng DMW Charter.
“Secretary Toots steered the DMW out of the harbor as the first DMW Chief. May Republic Act No. 11641 serve as the navigational map to the future of the DMW. Sec. Ople herself made many valuable inputs to the DMW Charter when Congress was still working on the Bill,” pahayag naman ni Romero.