Kalabaw

MAGSASAKA PATAY SA KALABAW!

September 28, 2023 Zaida I. Delos Reyes 220 views

Biktima nagkalasog-lasog

PATAY ang isang magsasaka matapos na suwagin ng alagang kalabaw nitong Martes sa Virac, Catanduanes.

Nagkalasog-lasog ang katawan ng biktimang si Henry Tablate Cielo, 65, dahil sa mga suwag ng kanyang kalabaw.

Batay sa ulat ng Virac PNP, naganap ang insidente dakong 10:30 ng umaga sa Barangay Calatagan, Tibang, Virac, Catanduanes.

Galing umano ang biktima kasama ang kanyang kalabaw sa bundok at magbababa sana ng mga nakuhang kawayan.

Gayunman, habang pababa ng bundok ay biglang nabali ang pamatok at singkaw ng kalabaw kaya pansamantala silang huminto.

Tinangka ng biktima na ayusin ang pamatok subalit biglang nagwala ang kalabaw at sinugod ang amo at pinagsusuwag.

Nadala pa ang biktima sa pagamutan ng mga sumaklolong residente subalit hindi na ito umabot ng buhay dahil sa labis na pinsala sa katawan.

Sa ngayon, naiuwi ang na sa pamilya ang biktima at ang kalabaw.