Paul Gutierez

Magandang handog sa World Press Freedom Day!

May 14, 2024 Paul M. Gutierrez 142 views

IPINAGDIWANG ngayong buwan ang World Press Freedom Day kung saan isa ang inyong lingkod sa mga naimbitahan na maging delegado sa nasabing okasyon na ginanap sa Santiago, Chile noong Mayo 3.

Maipagmamalaki natin na bilang executive director ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS), naging makabuluhan ang pagdiriwang ng araw na ito hindi lamang sa buong mundo, higit sa lahat para sa mga mamamahayag sa ating bansa.

Taas-noo natin ibinabandera na bago pa man tayo tumulak patungong Chile ay may masasabi natin na maaga na natin ipinagdiwang ang naturang okasyon dahil sa pagkakadakip sa itinuturing na gunman na si Jolieto Mangumpit, alyas “Ricky,” sa pagpaslang kay Misamis Occidental broadcaster Juan “DJ Johnny Walker” Jumalon ng 94.7 Gold FM noong November 5, 2023.

Bago ang pagkadakip kay Mangumpit, una nang naaresto ang dalawa pang kasamahan nito noong nakaraang Marso 15. Sa pagkakahuli sa tatlong suspek, maituturing natin na malapit nang maresolba ang kaso, at naniniwala tayo na mahahatulan ang mga ito dahil sa malakas na mga ebidensiya at salaysay ng mga saksi laban sa mga ito.

Isang araw bago ang pagdiriwang ng World Press Freedom Day, naaresto naman noong madaling araw ng Mayo 2 sa bayan ng Makilala, North Cotabato, ang itinuturo rin gunman sa pagpaslang kay Kidapawan broadcaster Eduardo “Ed” Dizon na si Junell Jane Andagkit Poten o kilala rin sa alyas na Junell Gerozaga.

Halos limang taon din nagtago si Gerozaga matapos ang pamamaslang kay Dizon noong Hulyo 2019 sa Kidapawan City.

Ang nga kaganapang ito ay patunay na gumaganap ang inyong PTFoMS sa mandato nito na bigyang hustisya ang mga mamamahayag na biktima ng karahasan, bukod pa sa patuloy na pagtiyak na ginagampanan natin ang ating tungkulin upang magkaroon ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga mamamahayag.

Hindi nagtatapos ang ating pagtutok sa dalawang kasong ito dahil sa katunayan, kagagaling lamang natin sa Misamis Occidental partikular sa bayan ng Calamba upang tiyakin na gumugulong ang hustisya para sa pamilya Jumalon.

Dumalo tayo sa hearing ng dalawang akusado na magpinsan na Boboy at Renante Bongcawel noong Mayo 9, at matapos ito ay kinausap naman natin ang mga abogado, mga saksi, mga imbestigado na may hawak sa kaso, kasama si Mrs. Jumalon, upang pag-usapan ang mga susunod na hakbang para matiyak na makakamit ang hustisya.

Sa kasalukuyan, ay nasa Davao naman tayo para naman pag-usapan ang mga hakbang sa kaso ni Dizon, at masiguro na hindi makakawala si Gerozaga, at patibayin pa ang kaso laban sa sinasabing mastermind na si Dante Tabusares, aka, Bong Encarnacion.

Sa pagkakadakip ng dalawang pangunahing salarin, patunay ito na matibay ang ating ugnayan sa lahat ng law enforcement agencies, at hindi tumitigil sa pagtatrabaho para makamit ang hustisya ng mga kapatid natin sa hanapbuhay.

Patunay din ito na walang makakatakas sa kamay ng batas, at dapat managot ang sino mang nagkasala. Kaya sa ating mga kapatid sa media, muli ang ating pagtiyak na narito ang inyong PTFoMS upang umagapay sa inyo sa pagtiyak ng pamahalaan ni PBBM sa inyong kapakanan at karapatan.

AUTHOR PROFILE