
Mag-ready na sa K to 10 – Gatchalian
SA gitna ng pagbubukas ng klase sa mga pampublikong paaralan para sa school year 2023-2024, hinimok ni Sen. Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tutukan ang learning recovery at paghahanda sa pagpapatupad ng K to 10 MATATAG curriculum sa 2024.
Pinasalamatan ng Chairperson ng Senate Committee on Basic Education ang DepEd at mga guro para sa pagbabalik-normal ng sektor ng edukasyon.
Pero para kay Gatchalian, kailangan pa ring tutukan ang learning poverty at patatagin ang mga fundamental skills tulad ng literacy at numeracy.
Tinataya ng World Bank na umabot na sa 90.9 porsiyento noong Hunyo 2022 ang learning poverty sa bansa.
Bagama’t nagpatupad na ang DepEd ng mga programa tulad ng National Learning Camp, iginiit ni Gatchalian na kailangang bigyang prayoridad ang mga nahihirapang mga estudyante sa pag-aaral.
Sa ilalim ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act (Senate Bill No.1604), ipinapanukala ni Gatchalian ang pagbuo at pagpapatupad ng national learning recovery program upang matugunan ang pinsalang dulot ng pandemya ng COVID-19.
Kasama sa mga target ng programa ang mga learners na hindi naabot ang minimum proficiency levels sa Language, Mathematics at Science.
Binigyang diin din ng senador ang kahalagahan ng paghahanda para sa rollout ng revised K to 10 MATATAG curriculum.
Inaasahang magsisimula ang rollout nito sa SY 2024-2025 para sa Grade 1, Grade 4 at 7 kasunod ng ibang grade level sa mga susunod na school year hanggang 2028.
Para sa school year na ito, magsasagawa ng pilot implementation ng MATATAG K to 10 curriculum sa mga piling paaralan.
Para kay Gatchalian, dapat pormal na pag-aralan ang pilot implementation para lalo pang maayos ang curriculum.
Binigyang diin din ni Gatchalian na dapat gawing angkop ang pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa MATATAG curriculum.